Thursday, August 25, 2011

Kuya Jimboy



ni Balana



     Hindi pangkaraniwang bata lamang si Kuya Jimboy (lambing na tawag kahit siya pa  lamang ang bunso). Sa halip na nakikipaglaro sa ibang bata ay mas gusto pa niyang magkulong sa bahay ng mag-isa---makinig ng radyo at manood ng T.V.

     Madali siyang maakit sa mga maliliit, makukulay at anumang bagay na gumagalaw. Parang lahat ay bago sa kanya. Natutuwa siya sa mga butiki. Hindi siya nagsasawang tingnan iyon at ginagaya pa pati ang kanilang huni. Naalala ko nun hindi naman talaga takot si kuya sa ipis at gagamba. Natakot lang siya nang minsang ihagis ko iyon sa kanya bilang biro.

     Napapahagikhik siya ng tawa kapag umaarangkada na ang mga tugtuging nakakaindak. Madalas sa sobrang gigil niya ay pinupukpok niya ng kamao ang kanyang dibdib. Walang humpay siya sa pag-indak habang panay ang hampas ng kamay sa kanyang binti. Kahit na anong tawag sa kanya ay hindi niya ito naririnig. Para siyang nasa ibang demensyon. Demensyon na siya lamang ang nakababatid. At walang sinuman sa amin ang nakarating.
     Pero sandaling patayin ang radyo tiyak na magagalit siya. Magsisisigaw at tuluy-tuloy na magsasalita ng mga salitang siya lang ang nakakaintindi. Limang taon siya noon nang mapansin namin ang kanyang kakaibang ugali.

     Lapitin din siya sa disgrasya dahil mahilig siyang sumilip sa mga tambutso ng mga umaandar na sasakyan. Maraming beses na muntik na siyan maatrasan. Kahit na anong gawin naming pangaral sa kanya ay para talaga siyang walang narinig o di kaya’y naintindihan sa aming mga sinasabi.

     Parang siyang may sariling mundo. Basta kapag masaya siya sa ginagawa niya, wala na siyang ibang napapansin o di kaya’y naririnig. Ipinasok siya ng tatay sa isang day care center. Tatlong taon siyang nag-aaral doon ng kinder pero kahit isa ay walang kumintal sa isip niya. Maiksi lang kasi ang atensyon niya sa pakikinig, pagsasalita at pagsusulat. Nag-uumpisa pa lang ang klase ay binubuksan na niya ang kanyang baunan para kumain.

     Wala siyang kinatatakutan. Hindi nga niya ‘ata alam ang ibig sabihin ng nakakatakot. Wala siyang pakialam kung magalit ang titser sa kanya.
     Siya ang pinakamatanda sa lahat ng mga batang nag-aaral doon. Sa kilos ni kuya talagang ang pinakamusmos siya sa lahat ng bata na naroon.
     Slow learner daw si Jimboy. Pero ang nakapagtataka ay memoryado niya ang iba’t ibang kanta, mga linya, dayalogo sa patalastas at pelikula. Himig pa lamang ang kanyang narinig, alam na niyang kantahin. Kapag nahawakan niya ang mikropono tiyak hindi na niya iyon bibitiwan. Nakakanta niya ng buo kahit pabulol ang mga paborito niyang kanta nina April “Boy” Regino. Binilhan siya ng Tatay ng minus one tape noon.
     Paborito niyang kainin ang chocolate ice cream, chocolate cake, chocolait at kung anu-ano pang gawa sa chocolate. Nakaugalian din niya ang taho at yakult sa umaga. Dalawang Lucky Me pancit canton sa umagahan, tanghalian at gabihan. Kahit kailan ay hindi siya nagsasawa.
     Minsan ay biniro ko siya, habang kumakain ng pancit canton ay sapilitan kong tinikman iyon. Nagalit siya. Walang humpay sa pagsasalita ng wikang di ko mawari at pinaspasan niya ng husto ang pagkain. Sa sobrang inis niya sa akin ay hinugasan niya ang kanyang platong pinagkainan. Hindi niya nakalimutan ang pangyayaring iyon. Kaya tuwing kumakain siya ay walang kurap niyang binantayan ang plato niya at ako.
     Madalas noong bago siya pumanaw ay may kinakausap siya na hindi namin nakikita. Tinatawag niya iyong Joey. Wala kaming kilala, kapit-bahay o di kaya’y kamag-anak na ang pangalan ay Joey. Palagi niya iyong kasama sa paglalaro, pagkain at paliligo. Nabahala kami ng husto nang minsang hinahanap niya sa amin si Joey. Si Joey na hindi namin nakikita.
     Kamakailan ko lang naman nalaman ang totoong sitwasyon pala ni Jimboy ay kilala sa tawag na Autism.
     Nagsimula akong magbasa-basa tungkol sa autism noong mabasa ko ang kuwentong “There’s a Duwende in My Brother’s Soup” ni Lara Saguisag. Nagpapaalala ito sa akin ng aking kapatid.
     Huli na ang lahat ng maunawaan ko ang kanyang maselang sitwasyon noon…wala na siya sa mundo.  
  


No comments: