ni Balana
Taong 1978 nang unang magsama ang nanay at tatay ko at tumira dito sa
Dagohoy. Binigyan sila ng kuwarto ng Lolo Siloy. Siya ang tatay ng tatay ko. Malaki ang bahay ng Lolo, up and down, may malaking bakuran sa harap at may punong talisay na hanggang ngayon ay buhay pa. Nagtatrabaho noon ang Lolo bilang hardinero sa U.P College of Education kung kaya’t binigyan siya ng karapatang magtayo ng sariling bahay sa Dagohoy. Pero siyempre ang lupa, hindi kailanman magiging kanya.
Dagohoy. Binigyan sila ng kuwarto ng Lolo Siloy. Siya ang tatay ng tatay ko. Malaki ang bahay ng Lolo, up and down, may malaking bakuran sa harap at may punong talisay na hanggang ngayon ay buhay pa. Nagtatrabaho noon ang Lolo bilang hardinero sa U.P College of Education kung kaya’t binigyan siya ng karapatang magtayo ng sariling bahay sa Dagohoy. Pero siyempre ang lupa, hindi kailanman magiging kanya.
Ipinanganak kami at nagkaisip sa maliit na kuwartong itinuring naming bahay. Pahaba ang kuwartong iyon. Isang aparador ang naghihiwalay sa aming kuwarto sa sala. At doon ay may isang kamang pandalawahan lamang. Iisa na ang sala, kainan at kusina dahil kung lalagyan pa ng divider ay magmumukha lalong masikip. Bagaman maliit ang aming bahay, maaliwalas naman ito dahil nababalutan ng magandang disenyo ng linoleum ang sahig mula kuwarto hanggang kusina.
Kada linggo ay nagpapalit ng kurtina si nanay. Malinis pa ang bahay namin noon dahil masipag pa si nanay. Ngayon lang naman niya kinatatamaran ang paglilinis dahil malalaki na daw kami at sawa na siya.
Bukod sa aming kuwarto ay may dalawa pa kaming katabi. Ang isa ay sa Uncle Ube ko at ang isa naman ay para sa mga nangungupahan. Samantala ang buong baba naman ay pagmamay-ari ng Lolo ko, kasama ang kanyang ikalawang asawa at ang tatlong anak nila. Sa dami ng pamilyang nakatira sa bahay na iyon, isang banyo lamang para lahat.
Nang lumaon ay umalis ang lolo sa Dagohoy at tumira sa isa pa niyang bahay sa Barangay Pansol sa Katipunan road. Ang Uncle Romy ang pumalit sa kanya sa pagtira sa ibaba. Matagal din naming nalaman na ang dahilan pala ng paglipat ng lolo ay ang pagkakasanla ng buong ibaba ng bahay kay Uncle Romy. Walang nagawa ang ibang mga kapatid, sapagkat ama nila ang masusunod kahit na ito’y sinungaling.
Hindi rin nagtagal ang isang kuwartong pinauupahan ay naisanla na rin gayundin ang kuwarto nila Uncle Ube nang lumipat sila sa bahy ng lolo sa Pansol. Habang ang teritoryo ni Uncle Romy ay lumalawak ng husto kami naman ay nagkakasya lamang sa isang maliit na kuwarto.
Nang magretiro ang lolo sa serbisyo ang Tatay ko ang sumalo sa pagmamay-ari ng rights ng lupa. Kung hindi iyon sinalo ng tatay ko siguro may sarili na kaming bahay sa Amorsolo at hindi kami nagsisiksikan sa isang maliit na kuwarto. Pero pinagbigyan niya ang kahilingan ng lolo. Kahit paano ay nagkaroon din ng pagkakataon ang tatay na hunmingi ng pabor. Pabor para mapalaki ng kaunti ang aming bahay. Bagaman kalahati lamang ng aming kuwarto ang nadagdag masaya na rin kami. Hanggang sa naging apat na kaming magkakapatid ay ganun pa rin ang aming sitwasyon.
Marami sa aming mga kakilala at kaibigan ang nagtatanong,sa tatay naman daw nakapangalan pero bakit katiting lang ang aming tinitirhan? Walang magawa ang tatay dahil nakasanla ang bahay.
Hindi nagtagal ay namatay ang lolo sa sakit na bone cancer. Naiwan ang karapatan kay Uncle Romy para maghari-harian sa bahay sa Pansol at sa Dagohoy. Pinanghahawakan niya ang pagkakasanla ng mga ito sa kanya. Mayroon daw siyang mga katibayan, pero kahit isa doon ay wala siyang maipakita. Moro-moro ang lahat—--ang pirmahan, ang pera, ang bayaran. Ang taong nagkakautang sa kanya ay matagal nang patay at matagal na rin siyang nakinabang sa hindi naman talaga niya pag-aari.
Ayaw lamang ng gulo ng tatay kaya siya nananahimik. Gusto niyang mamuhay kami ng matiwasay. Tuwing nagrereklamo kami lagi niyang sinasabing mag-aral kaming mabuti para makaalis na kami sa bahay na iyon. Pero siyempre ayaw naming umalis dahil doon kami isinilang at nagkaisip. Mahal naming ang lugar at bahay na nagkanlong sa amin ng matagal na panahon at nagpaluwal ng sandamakmak na karanasan na hindi naming malilimutan kailanman.
Sa ngayon ay nangangamba ang lahat dahil sa napipintong demolisyon sa Dagohoy. Malapit na kasi ang C-5 at kasama ang lugar naming sa pagtatayuan ng mga flyover at malalaking kalsada.
Pabor ito sa amin dahil puwede kaming bigyan ng sariling pabahay ng U.P. Pero kawalan ito para sa mga iskwater gaya ng Uncle ko na nagsusumiksik sa hindi naman niya dapat pagsumiksikan.
Gusto kong magkabahay kami ng sarili pero hindi maaaring mangyari iyon kung walang demolisyon. Ayoko nang maging iskwater sa sarili naming bahay.
No comments:
Post a Comment