Rolando S. Tinio
Nalulumbay ang puno ng goma sa gilid ng bulibard
At ang puno ng akasya sa likod ng goma.
Mukhang uulan sa buong mundo.
Wala na ang mahal ko, iniwanan ako.
Nalulumbay ang tubig na laging kulay-abo
At ang tatlong bapor na kulay-kalawang sa laot,
At sa likod, ang ulap na parang tinggang natunaw.
Wala na ang mahal ko, iniwanan ako.
Nakatungo ang mga dahon ng niyog,
Marahang pakampay-kampay
Sa hanging humahampas, naglalarong
Anaki’y mga batang walang kamalay-malay
Sa talas-kutsilyo, talas-labaha ng lumbay.
At naalala ko ang isang awit na puno ng hinagpis,
Parang sugat na humahapdi, lalong tinitistis.
At naalala ko ang wala nang mahal ko
Na naparaan sa aking mundo,
Parang ulap na bumitin nang ilang saglit,
Saka nagpatuloy sa maraming lakad sa himpapawid
At, sa tingin ko, hindi na, hindi babalik.