ni Cristina R. Rocas
Stud. No. 97-28869
MA Filipino (Panitikan)
PP 281
I. Maikling historical background
Ang kuwentong napili ay mula sa Malaysia, ang Ah Khaw Goes to “Heaven” o Ah Khaw Masuk “Syurga” ay isinulat ni A. Samad Ismail at isinalin sa Ingles ni P. Lim Pui Huen noong 1975. Para sa mga Malaysians ang 1970’s ay panahon na puno ng mga oportunidad na kilala bilang “era of development”. Ngunit habang patuloy sa paglago ang kanilang ekonomiya noong panahong iyon ay patuloy pa rin ang mga problemang nag-aantay pa rin ng mga solusyon. Kahit paano ay bumaba ang bilang ng kahirapan lalo na sa mga rural areas ngunit malayo pa rin sa target na pagpuksa ng tuluyan dito.
Sa panahong ito ay kalat-kalat ang mga literary groups sa buong Malaysia sapagkat hindi nagtagumpay ang PENA (Persatuan Penulis-Penulis Nasional o Federation of National Writers) na mapag-isa ang lahat ng mga manunulat, mga literary supporters at enthusiasts sa iisang samahan noong 1960’s kung kaya’t naitatag ang GAPENA (Gabungan Persatuan Penulis Nasional Association) para maipagpatuloy ang gayong hangarin noong October 23, 1970 at ito’y sa pamumuno ni Ismail Hussein (unang chairman). Kabilang sa mga aktibidad ng samahan ay ang mga seminar, kumperensya at mga workshops at isa pa ay ang pagdeklara ng Hari Sastera o Literature Day tuwing ikalawang taon sa Malaysia at mga literary competitions.
Para sa mga Malaysians hindi matatawaran ang kamalayang pampanitikan na ipamulat nito sa lipunang Malay at gayundin sa panitikan na pinu-promote nito. Hindi maikakaila na napakalaki ng papel na ginagampanan ng GAPENA sa pagdebelop ng panitikang Malay noong 1970’s. Ang GAPENA ay concern sa pagprotekta ng mga non-elite o ng masang Malay na siyang “backbone” ng kanilang Panitikan. Pero binigyang-diin ni Ismail Hussein na hindi naman anti-elite ang kanilang samahan. Ang kanilang tinututulan ay ang maka-elitistang pananaw o pag-iisip (elitist-mind) o ang elitist-attitude na siyang tumutulong sa pagpapanatili ng maka-elitistang kaayusan. Layunin ng GAPENA na magkaroon ng malaking partisipasyon ang masa sa pag-unlad ng panitikan ng Malaysia. Ang GAPENA ay naiuugnay sa mga terminong masa o Rakyat at Sastera Agraria (Agrarian literature o Panitikang Agraryo) noong panahong iyon. Ang lagging agenda ng samahan ay ukol lagi sa masa --- malikhaing pagsulat mula at para sa masa at mga patimpalak para sa kanila. Sa kabuuan ang GAPENA at si Ismail Hussein ay itinaguyod ang panitikang para sa masa at mula sa kanila. Sa ganitong landas nakapaglilingkod ang panitikan sa lipunan. Malaki din ang naitulong ng mga kumperensya ng ASEAN writers sa pagpapalutang ng imahe ng Gapena bilang lehitimong boses ng pantikan at kultura ng Malaysia sa ibang bansa. Sa panahong ito naitatag ang Hadiah Sastera o Literary Award noong 1971 ng gobyerno. Ang patimpalak na ito ay nagbigay-daan sa pagkakalikha ng mga “panitikan ng pag-unlad” o “literature of development” na talagang nagging talamak sa panahong iyon. Ang paksang laging nilalaman ng mga akdang ito ay ang interpretasyon ng mga manunulat ng salitang “pag-unlad” o “development”. Ngunit para sa gobyerno ang mga manunulat ay nagkaroon ng misinterpretasyon ukol sa development bilang kasawian ng mga kawawang magsasaka at mangingisda.
Sa panahong ito ay lumutang din ang gerakan dakwah o dakwah movement. Ang movement na ito ay kilala din bilang Kebangkitam Islam (Islamic Resurgence) na nagsimukla noong early 1970’s sa mga Malay communities na nakakuha ng mas malaking simpatiya sa mga mag-aaral. Ang salitang dakwah ay mula sa Arabic term na da’wa na ang ibig sabihin ay “to call” or “invite” sa relihiyong Islam. Ang dakwah movement sa Malaysia ay nakaayon sa turo ng Quran at pagbibigay-diin sa Islam bilang “ad-deen” o paraan ng pamumuhay (complete way of life). Ang paglutang ng dakwah movement ay nagbigay-daan sa pagpapakita ng mahalagang papel ng Islam sa konteksto ng makabagong lipunan ng Malaysia bilang sagot at solusyon sa pang-araw-araw na pamumuhay. Mas naging matunog ang kamalayang “return” to Islam sa mga akdang pampanitikan ng panahong iyon.
II. Ang Buod ng Kuwento
Ang kuwento ay isang pagbabalik-tanaw sa mga araw ng kabataan ng tagapagsalaysay, na si Sem. Ang tagpuan ay sa panahon ng okupasyon ng hapon sa Malaysia o noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sang-ayon sa pagsasalaysay ng kanyang kabataan, ang mga hapon ay walang sawang nang-uumit ng mga gulay at prutas mula sa mga pataniman ng kanilang Kampung (village). At lalong walang tigil sa tinutugis ang mga intsik sa kanilang lugar. Tahasang pagdakip sa mga Intsik na puno ng tattoo ang katawan. Hindi nabanggit sa kuwento ang tunay na dahilan ng malawakang pagdakip sa mga ito ng mga sundalong hapon. Sang-ayon sa kanyang alaala ang kanyang kaya Hassan ay bumalik sa kanilang kampung ng panahong iyon nang may kasamang Intsik. At sinabing dinala niya ng intsik na si Ah Khaw para maitago mula sa mga sundalong hapon. Ang edad ay nasa pagitan nng 50 hanggang 60 taon. Nanirahan sa tahanan ng pamilya ni Sem si Ah Khaw sa loob ng anim na buwan at ditto umiinog ang kuwento.
Sang-ayon kay Sem sa loob ng anim na buwan ay itinuring nilang isang miyembro ng pamilya si Ah Khaw. Palagay ang loob ng kanyang pamilya kaya itinuring niya itong parang isang nakatatandang kapatid bukod sa kanyang Kuya Hassan. Gayundin ang kanyang ina na halos ipagpilitan kay Ah Khaw na mag-asawa na ng isang Malay— biyuda man o diborsyada upang tuluyan nang manirahan ng pirmihan sa kanilang kampung. Napakabuti kasi ni Ah Khaw sa kanilang pamilya--- tumutulong sa mga gawaing bahay, nagsisibak ng panggatong, nauutusan sa pagbili ng kung anu-ano, naglilinis ng bahay at nag-aalaga pa ng mga halaman. Sa madaling salita ay napakasipag na Intsik Ah Khaw. Hindi pa nakuntento ang kanyang ina sa pagpupumilit na pag-asawahin sa isang Malay pinasusuot pa ng damit Malay---sarung pelekat, baju kurung na hanggang tuhod at ang songkok sa kanyang ulo. Maganda daw ang magsuot ng damit Malay upang hindi makilala ng mga sundalong Hapon na isa pala siyang intsik. Ngunit kahit ano pa ang kanyang gawin ay halata pa rin sa kanyang pananalita ang pagiging intsik. Si Ah Kaw ay isang rickshaw-puller. Sa loob ng anim na buwan ng pamamalagi nito sa kanila ay natutunan nitong makaagapay sa mga kaugalian at tradisyon ng mga Muslim sa pang-araw-araw na pamumuhay. Kinailangan niyang sundin ang mga panuntunan ng Muslim, halimbawa ang mga tuntunin bago at pagkatapos kumain. Mahalaga ang pagsunod sa mga kostumbreng Malay para sa isang host family. Tanda rin kasi ito ng paggalang at kagandahang asal. At isa sa pinakapinagbabawal ay ang pagkain ng karne ng baboy. Ngunit isang beses ay hindi napigilan ni Ah Khaw ang sarili nang minsang isama niya si Sem sa isang Chinese Opera at kumain ng karne ng baboy na isinumbong naman ng batang si Sem sa kanyang ina. Binalaan ng kanyang ina ang kuya Hassan niya na palalayasin niya ang kaibigan nitong intsik kapag hindi ititigil ang pagkain ng baboy.
Sa di inaasahang pagkakataon ay nagkasakit ng malubha ang intsik habang nasa kanilang pangangalaga at natuklasan ni Sem sa kanyang ina na gaya ng kanyang kuya Hassan ay gumagamit ng opium si Ah Khaw. Gaya ng laging kalakaran ang mga intsik ang siyang lagging tagapaglaganap ng masasamang bisyo gaya na lang ng paggamit ng opium. Napagtanto na ni Sem ang kaugnayan ng mga tattoo ng dragon, tigre, pusa at kung anu-ano pa sa dibdib nito, ang pagkakasakit nito ng malubha, pagkakaratay sa banig at ng opium. Pagkalipas lamang ng dalawang linggo ay namatay si Ah Khaw. Pinanghinayangan ng kanyang ina ang pagkamatay ni Ah Khaw sapagkat hindi man lamang ito na-convert sa pagka-Muslim. Malaki kasi ang paniniwala ng kanyang ina na ang pagiging Muslim ay isang mabisang pasaporte papuntang langit. Gayunman ang nangyari ikinonsidera pa rin nila na sa langit pa rin ang tungo ni Ah Khaw sapagkat namatay naman siya sa Bisperas ng Holy Friday.
III. Pagsusuri sa Kuwento
Hindi kaila sa atin na napakatatag ng ugnayan sa pagitan ng panitikan at ng lipunan. Sapagkat ang anumang pinagdaanang pagbabagong sosyo-politikal ng isang lipunan ay mababakas sa panitikang iniluwal nito. Sa kaso ng Malaysia, kung titignan ang kontekstong historical ng akda ang Ah Khaw Goes to “Heaven” o Ah Khaw Masuk “Syurga” mababakas ang mga pagbabagong sosyo-politikal na pinagdaanan ng lipunang Malay sa panahon ng okupasyon ng Hapon. Mula din dito ay makapipiga tayo ng mga salik na maaaring nagbunsod o nagkaroon ng impluwensya sa pagkakasulat ng ganitong klase ng tema ng kuwento. Maaaring ipagpalagay na isa lamang ang kuwentong ito sa mga reaksyon ng mga manunulat ng panahong kinapapalooban nito (sa kaso ng kuwentong ito maihahanay ito sa Modernong Literatura ng Malaysia) hinggil sa panlipunang realidad ng kanyang panahon na kinabibilangan at kung paano nito nahubog ang kanyang persepsyon ng lipunan.
Malaki ang konsiderasyon ng awtor sa presensya o pagkakaroon ng mga dayuhan sa kanilang bansa at ang implikasyong maaaring idulot nito hindi lamang sa economic position ng mga Malaysian kundi pati ang cultural at religious values. Halimbawa na lamang ang paggamit sa dayuhang intsik sa kuwento na maaaring tignan bilang babala para sa mga mambabasa na ang mga intsik ay walang maidudulot na maganda at maaaring impluwensyahan ang mga Malaysians(lalo na ang mga kabataang lalaki) upang mapunta sa kasamaan gaya ng paggamit ng opium, pagsusugal, at pakikisangkot sa prostitusyon.[1] Mariin din na nabanggit sa kuwento ang pagkakaiba sa pagitan ng pagiging Malay at di-Malay. At ito nga ay nasa katauhan ni Ah Khaw na isang intsik na sang-ayon sa ina ni Sem na ang isang di-Malay ay maaaring mapabilang kung nanaising makapag-asawa ng isang kabilang sa pamilyang Malay. Nabanggit ito sa kuwento sa pagpupumilit ng ina ni Sem kay Ah Khaw na upang mapabilang na sa kanilang kampung at manatili na rin ng matagalan ay kailangang makapag-asawa ng isang baloo di kaya’y diborsyadang malay. Maaaring tignan ito bilang paraan ng paglipat sa iba’t ibang antas o uri sa lipunan.
Maaari din tignan ang paggamit sa katauhan ni Ah Khaw sa kuwento. Maikokonsidera ito bilang simbolismo ng pagkakaroon ng mga hindi-Malay sa bansa at siyempre kaakibat nito ang pagpasok ng modernisasyon na dala ng isang dayuhan tungo sa mga siyudad.[2] Maaari rin bigyan ng pansin sa kuwento ang pagkakapadpad ni Ah Khaw sa Kampung na siyang nagrerepresenta ng modernisasyon mula sa siyudad patungo sa kampung (village) na para sa mga manunulat ay ang kanlungan ng kagandahang asal at magagandang kaugalian na sa tingin nila ay hindi kailanman matatgpuan sa siyudad.[3]
IV. Sariling Pagtataya
Sa aking nakikita sa kuwento nagsilbing tagapagligtas ng isang tinutugis na intsik ang kampung (village). Lumalabas na ang pagpunta ng isang taga-siyudad na puno ng kamunduhan tungo sa isang kampung ay makakamit ang sariling kaligtasan. Sapagkat sa mga kampung ay matibay ang posisiyon ng Islam bilang saligan ng pagkakaroon ng isang mabuting pamumuhay. Ang moral lesson sa kuwentong ito ay mariing pinapakita na ang kampung ay isang lugar na magliligtas sa sinumang nabubulid sa kasamaan at tagapagpanatili ng dignidad ng isang tao na sinira ng kamunduhan ng siyudad. Malinaw ang moral superiority ng kampung kaysa sa siyudad.[4] Ang kuwentong ito ay may temang gaya ng sa dakwah movement o nag-aadvocate ng pagbabalik Islam ng mga Malaysians lalo na sa mga siyudad.
No comments:
Post a Comment