Saturday, August 27, 2011

Ang Panitikan at Iba Pang Sining Ang Relasyon ng Panitikan at Iba Pang Sangay ng Sining sa Panahon ng Batas-Militar


Cristina R. Rocas
Panitikan
PP 222
Dr. Joi Barrios



I.                   Introduksyon


Tampok sa papel na ito ang “overview” o pangkalahatang pagtingin sa
Sining ng Pilipinas na may pagtuon sa iba’t ibang sangay nito--- Pelikula, Dulaan, Sining Biswal, Musika at Sayaw sa loob ng panahon ng Batas-Militar.

            Magandang talakayin ang panahong ito sapagkat nagbigay-daan ito sa sa pagkakaroon ng sining ng Protesta sa Kontemporaryong Panahon sa Pilipinas. Interesanteng pag-aralan ang mga naging reaksyon ng bawat sining sa panahon ng imposisyon ng mahigpit na sensura. Layunin ng papel na ito na alamin ang mga epekto ng panahong ito sa mga sining ng Pilipinas at ang mga produktong pangsining na iniluwal nito.

II.                Ang Iba’t ibang Sangay ng Sining sa Panahon ng Batas-Militar


A.     Dulaan

Isa sa mga magagandang idinulot ng Batas-Militar ay ang pagdami ng mga grupong pandulaan sa mga paaralan, komunidad at simbahan. Ang dulaan ay ginamit bilang pangunahing tinig ng pagprotesta sa kairalan sa lipunan noong panahong iyon. Kabilang sa mga grupong ito ay ang mga student-based groups gaya ng Peryante (UP Diliman), Dugong Silangan (UE), Entablado (Ateneo de Manila University), Tamanaba (UP Manila) at Kapilas (De la Salle University).

Ang protest movement na ito ay lumaganap ng husto mula 1981 hanggang 1986 na pinag-alab pa lalo ang damdaming makabayan ng mga mamamayan sa pagpaslang kay Ninoy Aquino noong 1983.

Maraming uri ng dula ang lumaganap sa panahong ito upang matugunan ang pangangailangan ng panahon. Ang mga dula ay tumatalakay sa mga isyung nasyunal, sektoral at iba pa. Sa isyung nasyunal nariyan ang isyu ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at piyudalismo. Kabilang naman sa sektoral na isyu ay ang pagtatampok sa mga manggagawa sa Mindanao gayundin sa mga pangkat etniko sa katimugan.

Sa pagsasadula ng mga isyung ito ay may mga porma na kinasangkapan ang mga grupong pandulaan noong 1980’s at ito ang mga sumusunod: dula-tula, choral recitation, bodabil, improvisation, pantomime, effigy-lantern play, radio play, allegorical play, kilos-awit, kilos-sayaw, newspaper theater, salubong at senakulo (tradisyunal na porma), noh (mula sa Asya), image at forum theater (mga porma na pinasimulan ni Augusto Boal ang “Theater of the Oppressed”).

Isa sa mga halimbawa ng pormang lumaganap sa panahong ito ay ang mga dula-tula. Isa sa mga dula-tulang ito ay ang pagsasadula ng tula ni Jose Lacaba ang “Ang Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz” ng UP Repertory Company noong 1975 sa direksyon ni Ces de Joya. Ang dulang ito ay itinanghal lamang sa mga school lobbies tuwing may student  rallies at sa mga komunidad. Mayroon lamang itong tatlong tauhan. Ang isa ay tumatayong tagapagsalaysay samantala ang dalawa ay tumatayong mga aktor---ang isa ay ang pangunahing tauhan at ang isa naman ay si Ms. Ellaneous na may mas maraming papel.

Ginamit din ang bodabil bilang propaganda laban sa diktador bilang porma ng teatro political. Nakatulong ng malaki ang pormang ito sapagkat bukod na sa nakakaaliw ito ay di napapansin na nagtataglay na pala ito ng mga isyung panlipunan at political gaya nng imperyalismo, dinastiyang Marcos at iba pang isyu sa mga political rallies noong panahong iyon. Isa sa mga halimbawa ng mga bodabil na ito ay ang Ilokula, ang Ilokanong Drakula II (1983) na itinanghal sa mga lansangan. Ito ay sa panulat at direksyon ni Chris Millado. Itinanghal ito sa kauna-unahang pagkakataon ng Peryante noong 1983 sa Palma Hall Steps sa UP Diliman at naitanghal din sa mga mass actions.

Ang Ilokula II ay sequel ng Ilokula I noong 1980  ukol sa nepotismo at sa unexplained wealth ng pamilya Marcos. Ang dulang ito ay nasa Pilipino at nasa pormat ng circus-vaudeville na nagpapakita ng mga sayawan at kantahan ng mga minister-monsters ng gobyerno at mga magic-horror portion kung saan inooperahan si Ilokula.

Ang dulangsangang ito ay ukol sa isang Ilokanong drakula na mbubuhay namag-uli sa Bisperas ng Monster’s World Anniversary at ang asembleya na pinangungunahan ni Madam Kula, ang Reyna (asawa ni Ilokula) ng mga halimaw kasama sina Dra. Maxima Bareta (monster-minister ng finance), Dr. Barile at Dr. Rebolber. Sa pagkabuhay ni Ilokula ay nakaramdam ito ng pananakit ng tiyan--- naaranas ng pagka-epatso sa kanyang kinain dahil sa katakawan. Nang operahan si Ilokula ay maraming mga iba’t ibang parte ng katawan ang nakuha mula sa kanyang tiyan--- kamao ng isang manggagawa, balikat ng isang magsasaka, binti ng isang estudyante, utak ng isang propesyunal, dila ng isang artista, mga puso at atay ng mga taong namatay para sa bayan. Ang mga iba’t ibang parte ng katawan ng mgamamamayan ay nabuo at naging isang tunay na tao na siya ring pumatay sa mga halimaw.

Lumaganap din pagkatapos ideklara ang Batas-Militar ang mga lightning plays na isinasagawa sa mga pamilihan. Ang mga dulang ito ay nagagnap lamang sa loob ng ilang minuto upang makaiwas sa mga paghuli. Simula noong 1972 hanggang 1976 ay walang nakarekord ba mga pagtatanghal sa lansangan ng mga dula o dulansangan sapagkat laganap ang mga hulihan  at pagdakip sa mga artista sa teatro. Samantala ang iba naman ay nagpatuloy sa mga pagtatanghal sa entablado bilang isang di-tuwirang pagtuligsa sa Rehimeng Marcos.

Kabilang sa mga di-tuwirang pagtuligsa sa pamahalaan noon ay ang mga pagpapalabas ng mga makasaysayang  mga dula na may temang pangkasulukuyan habang gumagamit ng mga eksenang pangsinauna. Ilang halimbawa nito ay ang Ang Tao…Hayop o Tao (1975) ni Nanding Josef; Mayo A-Biente Uno atbp Kabanata (1978) ni Al Santos; Katipunan: Mga Anak ng Bayan (1978) ni Bonifacio Ilagan at ang Ang Walang Kamatayang Buhay ni Juan dela Cruz Alyas…(1976) ni Lito Tiongson.

Laganap din ang “social realism” sa mga dula sa panahong iyon na nagpapakita sa kahirapan at opresyon na nararanasan ng mga mamamayan gaya ng Alipato (1975) ni Nonilon Queano, Juan Tamban (1979) ni Malou Jacoc, Higaang Marmol (1976) ni Nic Cleto at ang Buhay Batilyo, Hindi Kami Susuko (1975) ni Manuel Pambid.

Sa mga debelopment na ito ng dulaan sa panahon ng Batas-Militar ay masusumpungan ang isang matibay na ugnayan sa pagitan ng lipunan at ng sining. Bilang mga alagad ng sining at kasapi sa lipunan, ang mga manunulat at mga artista ay malay sa kanilang responsibilidad sa mga mamamayan o sa mga kapwa Pilipino at lalo’t higit sa bayan.
           

B.     Pelikula


Kasunod ng deklarasyon ng Batas-Militar ng dating Pang. Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972 ay ang pagbabawal ng pamahalaan sa pagpapalabas ng mga pelikula na nagpapakita ng pagiging subersibo, insureksyon o di kaya ay rebelyon laban sa gobyerno; naglalayong alisin ang tiwala at simpatiya ng mamamayan sa gobyerno; at pagpuri sa mga kriminal at paglaganap ng karahasan. Ilan lamang ito sa mga nakasaad sa detalyeng mula sa Letter of Instruction No. 13, 1972.

Sa panahong din ito itinatag ng dating Pang. Marcos ang Experimental Cinema of the Philippines (ECP) upang mahikayat ang Industriya ng pelikula na sumusuporta sa kanyang rehimen. Isa sa mga proyekto ng ECP ay ang pamahalaan ang lahat ng gastusin bilang tulong sa mga movie producer at maglaan ng isang film rating board para magbigay ng tax rebates sa mga prodyuser ng mga dekalidad na pelikula. Ang unang dalawang dekalidad na pelikula na naprodyus ng ECP ay ang Oro Plata Mata (1982) at Himala (1982).      

Sa panahong din ito ay nagkaroon ng bagong henerasyon ng mga filmmakers na nagnanais na baguhin ang Pelikulang Pilipino. At ito ay sa pamamagitan ng paglikha ng mga pelikulang hindi sumusunod sa mga kumbensyon. Sa pamamagitan ng mga ito ang mga Pelikulang Pilipino ay na-reinvent. Naging produktibo ang paglikha ng mga pelikula sa panahong iyon sa pamamagitan nina Lino Brocka, Mike de Leon, Ishmael Bernal, Behn Cervantes, Celso Ad Castillo at Marilou Diaz-Abaya.

 Sa hanay naman ng mga short films ay nakilala naman si Raymond Red sa panahong ito. Ang ilan sa kanyang mga likha ay ang Ang Magpakailanman (1983) na sinasabing magandang halimbawa ng isang makabago at malikhaing uri ng pelikula; Ang Hikab (1984); Ang Sining (1983); Kabaka (1983); at ang Kamada (1984) na isang ekplorasyon ng mga relasyon sa gitna ng isang mapang-aping mundo.

May dalawang dominanteng kampo ng mga short filmmakers sa panahong ito batay sa kahalagahang istitikong isinusulong ng mga ito. Ang unang grupo ay nagsusulong na film as film na nagbibigay-diin sa pelikula bilang sining. Pinahahalagahan ng grupong ito ang porma, ang pagdiskubre ng mga bagong ideya, aplikasyon ng mga innovative techniques at ang adapsyon ng mga estilo. Sa grupong ito nabibilang  ang mga pelikulang eksperimental, animation at mga maiikling pelikula na subjective ang lapit.

Ang ikalawang grupo ay sinusulong ang kaisipang ang pelikula ay kinakailangang nakikisangkot sa panlipunang realidad. Sa grupong ito ng mga director ang kamera ay nagsisilbi lamang instrumento para mailantad ang iba’t ibang realidad.

Ang mga maikling pelikula ng mga bagong henerasyon ng mga director ay kinikilala sa labas ng bansa sa panahong ang pang-komersyal na pelikula ay nakakahon lamang sa mga pormula at walang pagpapahalaga sa kalidad. Ang ilan sa mga pelikulang ito ay ang Oliver (1983) na tungkol sa isang baklang entertainer na may pamilyang sinusuportahan sa Tundo; ang Children of the Regime (1985) na ukol naman sa mga batang inaabuso at mga batang ginagawang prosti; at ang Revolution Happens like Refrains in a Song (1987) na tungkol naman sa mga naisin at kapighatian ng people power revolt. Ang pelikulang ito ay nanalo ng unang gantimpala  sa 19th International Super-8 and Video Festival sa Brussels, Belgium. Ang mga pelikulang nabanggit ay naipalabas na rin sa mga malalaking mga film festivals sa New York, London, San Francisco, Los Angeles, Hong Kong at Yamagata (Japan).

Kaalinsabay ng produksyon ng mga maikling pelikula ay ang pagdami rin ng mga “cause-oriented groups” at mga “non-governmental organizations”. Isa sa mga organisasyong ito ang Communication Foundation for Asia (CFA) na nagpoprodyus ng mga pelikula sa labas ng industriya ng pelikula na tumutuligsa sa mga impormasyong na idinidikta ng pamahalaan ni Marcos. Ang CFA ay isang religious-run media center. Bukod sa pagsasagawa ng mga workshop ay nagpoprodyus din ito ng mga media materials gaya ng feature films na gaya ng Sugat sa Ugat (1980) ni Ishmael Bernal na nagpapakita ng sigalot sa pagitan ng buhay sa probinsya at ng modernidad na makikita sa antagonismo ng dalawang henerasyon. Malaki rin ang kontribusyong ng CFA lalo na sa paglikha ng mga dokumentaryo na may social relevance gaya ng Children of the Regime (1985); A Spark of Courage (1984) at ang People’s Power Revolution: The Philippine Experience (1986).

Ang Asia Vision ay isa rin sa mga non-governmental organization na nagpoprodyus ng mga progresibong dokumentaryo. Naitatag ito noong 1982 at isinadokumento ang pakikibaka para sa hustisya at demokrasya sa mga huling taon ng diktaduryang Marcos. Ang una nitong dokumentaryo ay ang Sabangan (1983) ni Joe Cuaresma at Freddie Espiritu. Kabilang din sa mga mahahalagang proyekto ng Asia Vision ay ang The Arrogance of Power (1983) at ang No Time for Crying (1987) ni Lito Tiongson; ang Signos (1983) at Lakbayan (1984) ni Mike de Leon.

Bukod sa mga organisasyong ito ay may mga cultural agencies din na nakatulong sa pagsulong ng “Alternative cinema” gaya ng Cultural Center of the Philippines na pumalit sa dating ECP. Sinusuportahan ng CCP ang mga bagong artista sa paggawa ng mga maikling pelikula  sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga taunang patimpalak ng maikling pelikula at video.

Bilang paglalarawan sa kalagayan ng alternatibong pelikula sa panahon ng batas-militar o sa ibinunga nito sa sining na ito wala nang iba pang panahon sa pelikulang Pilipino ang nakalikha ng iba’t ibang baryasyon sa porma at estilo. Ang mga sumusunod ay mga obserbasyon ng isang manunulat noong 1985 sa mga filmmakers (CCP Encyclopedia, vol.8,p67):

As this writer noted in 1985, the young filmmakers vividly manifest through their works new ways of regarding the film image: 1) there is a conscious articulation of film as a plastic material that can photograph, or be painted upon; scratched, or anything that the filmmaker wishes to do with the film material;2) there is a high degree of perception of social reality that brings to light many unrevealed nuances of political, economic and social life; 3) there emanates from among the works a subjective reality of the filmmakers where the strong recurrence of dreams both as subject and technique informs us of the restlessness attitude that these young artists have in relation to their society; and 4) there is also a tendency in some works to tread on abstraction using film’s formalistic elements to purge cinema of its narrative values while at the same time subverting common-held attitudes to foster new perceptions and uses of the cinematic art.

C.     Sining Biswal

Sa pagdeklara ng batas-militar ang sining ng Protesta ay babad sa social realism. Naglulundo sa mga sosyo-politikal na mga tema sa makabagong estilo---gaya ng mga sigalot sa pagitan ng mga cultural communities, reporma sa lupa, karapatang manggagawa, liberasyon ng mga kababaihan at kalayaan mula sa kontrol ng ekonomiya ng mga dayuhan. Ang lahat ng mga temang ito ay tahasang makikita sa mga imahe sa mga drawings, paintings at sculptures.

Dahil sa kawalang-hustisya at kurupsyon ng rehimeng Marcos ay isang bagong uri ng sining ang umusbong mula sa Sining ng lansangan na isinasagawa ng mga grupong nagpoprotesta. Ang mga grupo ng artista kasama ng mga “cause-oriented groups” ay gumawa ng mga murals sa ibabaw ng mga dyip upang iparada sa mga rally noong panahong iyon. Hindi tumatanggap ng bayad ang mga artista sa kanilang mga ginagawa gayundin ang mga materyales na ginagamit ay bigay lamang ng mga iba pang kapanalig.

Isa sa mga halimbawa ng produkto ng sining biswal sa panahong iyon ay ang painting ni Renato Habulan, ang Kagampan (1983) oil in canvas.

Ang kapangyarihan ng painting ay nagmumula sa pagiging realistiko nito at sa detalyadong representasyon ng mga pigura ng mga manggagawa at magsasaka na nakahilera. Ipinapakita sa painting na ito ang pagkakaisa at kalakasan ng masa na siyang  pangunahing paksa sa kabuuan ng  na siya rin marginalisado sa sining. Makikilala ang mga manggagawa sa painting sa mga kasuotan at kanilang mga kagamitan.

D.    Musika

Ang panahon ng batas-militar ay panahon ng malawakang eksperimentasyon sa porma, nilalaman at estilo sa pagpapahayag ng mga iba’t ibang karanasan mula sa loob at labas ng bansa. Ang mga mang-aawit ng protesta sa panahong iyon ay inadapt ang awitin ng Tsina at Latin-Amerika gaya ng “La Plegaria de un Labrador” (A Worker’s Prayer) na isinalin sa Pilipino ni Jess Santiago at “Cuando Voy al Trabajo” (Going to Work) na isinalin sa Pilipino ni Karina Constantino-David. Gayundin ang paggamit ng Rock (protest medium sa Kanluran) upang ipahayag ang mga rebolusyunaryong hangarin gaya ng awiting “Mga Babae” na isinulat ng isang underground songwriter na si Ka Arting na kilala bilang Florante ng Hukbo. Ang mga awitin ay nagpapahayag ng mga abang kalagayan ng masa, sa abot kamay nang rebolusyon, at sa nakikinitang tagumpay ng masang Pilipino.

Kabilang sa mga makatang ito sina Heber Bartolome, Jess Santiago, Joey Ayala at mga grupo gaya ng Inang Laya at Patatag na nagtatanghal sa mga protest march, rally at demonstrasyon bilang pakikiisa sa protesta ng taong bayan.
 

E.     Sayaw


Bagaman ang mainstream ng Sayaw sa Pilipinas sa panahon ng batas-militar ay ginamit bilang entertainment sa paghatak ng turismo at pagtangkilik pang lalo sa kulturang  maka-burgis na siyang lumawig sa panahon ng Rehimeng Marcos. Mahalagang sipatin ang debelopment ng sining na ito sa sining ng protesta sa kabuuan. Ang mga sayaw na nalinang sa sining ng protesta sa lansangan. Ito ay ang mga sayaw sa mga bodabil, kilos-awit at kilos-sayaw na ginanap sa rally, piket at mga demonstrasyon. Malaki ang kontribusyon ng sining na ito sa pagtatagumpay ng sining ng protesta sa panahong ito.


III.             Konklusyon

Sa lahat ng mga datos na iniharap sa tulong ng mga pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa sa sining ay mahihinuha na ang sining na nalikha sanhi ng opresyon at kawalang-hustisya sa panahon ng batas-militar ay nakapagdulot ng isang malawakang movement na humihingi ng pagbabago. Ang mga produktong kultural na iniluwal ng panahong ito ay magsisilbing mga palatandaan ng isang panahon na ang ang lahat antas sa lipunan ay nagkaisa tungo sa di matatawarang pagbabago mula sa isang masalimuot na paghahari ng isang diktador. Magsisilbi rin itong panandang bato sa kontemporaryong panahon ng pagbubuklod ng mga alagad ng sining  tungo sa iisang layunin.


No comments: