Ni Cristina R. Rocas
Ang mga maikling kuwento sa panahon ng 1972 hanggang 1986 ay may tuwirang pagtalakay sa mga suliraning panlipunan: ang imperyalismo, piyudalismo at burukratang kapitalismo na sinasabing pinalaganap ng pasismo na siyang pangunahing dahilan ng pag-aaklas ng sambayanan maging sa panulat sa panahong iyon. Malayo ito sa mga naunang mga tema ng maikling kuwento na may pagtalakay sa pag-ibig, mga relasyon, paglalayo love triangle at iba pa.
Ang mga maikling kuwento sa panahong ito ay nakikisangkot sapagkat nagbigay ito ng kongkretong kaalaman tungkol sa tunay na kalagayan ng lipunan, ng realistiko at naturalistikong paglalarawan ng tunay na pamumuhay ng mga Pilipino sa panahong iyon ng Batas Militar. Sang-ayon ito sa paniniwala ng mga kasapi sa samahan sa lipunan at kultura na ang pagsusulat ay isang gawain ng pakikisangkot at ang dapat na paglingkuran ng mga manunulat (sa kasong ito ng mga kuwentista) ay walang iba kundi ang mga mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.
Ang mga kadalasang paksa sa mga maikling kuwento sa panahong ito ay ang mga karanasan ng masa na isinatitik ng mga manunulat. Kilala ang mga anyong pampanitikang ito bilang panitikang “mula sa masa at tungo sa masa” na siyang layuning buuin ng PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan) noong 1970. Isa itong samahan na kinabibilangan ng mga manunulat, kritiko, guro’t mag-aaral sa panitikan na nagbigay landas sa mga kabataang manunulat sa kanilang panghihimagsik. Layunin ng panitikang “mula sa masa, tungo sa masa” na bigyang-anyo ang kanilang mga pangangailangan.
Sa kadahilanang halos lahat ng kuwentista sa Pilipinas sa panahong iyon Batas Militar ay kasangkot sa kilusang makabayan, tampok sa kanilang mga akda ang mga suliraning tulad ng paghihikahos ng marami sa pagpapasasa ng iilan, kabulukan sa pagpapatakbo ng pamahalaan, kawalan ng katarungan sa mga limot na mamamamayan at pang-aalipin ng negosyanteng dayuhan at ng sabwatan ng mga burgis. Lantad ang poot sa mga akdang ito.
Sa panahong iyon sa ating kasaysayan ay nagging isang mabisang instrumento ang panitikan particular ang maikling kuwento sa pagpapalaganap ng ideolohiyang nais na igiit ng mga manunulat noon--- na ang tanging solusyon ay ang pagtatatag ng isang pambansang demokrasya, Malaya sa ekploytasyon ng banyaga at para sa kapakanan ng masa at hindi ng iilan lamang.
Ang mga Indikasyon ng pagkakaroon ng Pag-unlad o Pagbabago sa Maikling Kuwento sa panahon ng mula 1972 hanggang 1986
Ang una sa mga indikasyon ng pagbabago o pag-unlad ay makikita sa tema. Ang mga maikling kuwento sa panahong ito ay nakatuon ang pansin sa pagdarahop, pagsasamantala at karahasan na dinanas ng sambayanan sa lipunan, paglilipat-diin mula sa tao bilang tagapagbago, mula sa pag-iisa ng indibidwal tungo sa pakikiisa ng indibidwal sa isang kilusan mula sa elitistang pananaw tungo sa pangmasang pagkamulat.
Ang ikalawang indikasyon ay may kinalaman sa papel na ginampanan ng maikling kuwento bilang isang akdang pampanitikan na nagbigay-daan upang mailantad ang kaapihan at kahirapang dinaranas ng mga marginalisadong sector ng lipunan (manggagawa, magsasaka, mangingisda) at iba pang mga mahihirap sa lipunan.
Ang ikatlong indikasyon ay ang wikang ginamit. Dahil sa ang layunin ay maiparating ang mga akdang ito sa masa ay kinailangang maiangkop ang wikang gagamitin sa mga dapat na mambababasa nito. Ginamit ang wikang mauunawaan ng masa o ng isang karaniwang mamamayan, ang tagalog. Maraming mga kilalang manunulat sa ingles ang nagsipagsulat na rin sa tagalog upang maiparating ang kanilang akda sa mas marami pang mambabasa. Sa pamamagitan ng paggamit ng wikang nauunawaan ng masa ay magiging mabisa ang layunin ng mga manunulat sa maipaabot sa mas maramipang mambabasa ang kanilang mga paglalantad ng mga katotohanan at pagtutol sa mga kabulukang umiiral na sistema noong 1972 hanggang 1986 at higit sa lahat ay upang mapaunlad ang mapanuring pananaw ng masang Pilipino.
“Ang wika sa bagong panitikang Pilipino, sa pamamagitan ng panulat ng kasalukuyang henerasyon ng mga mulat na kabataang manunulat , ay talagang nagbabagong-bihis sa kalamnan. Ang ibinabandila nila ay isang klase ng literaturang parang panistis na bumubusabos sa ninanana at inuuod na kaisipan ng sambayanan, isang literaturang naglalarawan sa reyalidad ng piyudal at kolonyal na lipunang Pilipino, isang literaturang naghahantad sa mga kabulukan ng kasalukuyang lipunan—hindi tiwalag, kundi nakikisangkot, sa tunay na mga pangyayari, gaya ng patuloy na pagdaralita ng maraming Pilipino, gaya ng pagiging atrasado ng ating ekonomiya, at gaya ng patuloloy na pagkabusabos ng masa sa kamay ng mga naghaharing-uri”[1]
*************************END************************************
[1] Mula sa sanaysay, “Ang Paggamit ng Wika sa Maikling Kuwento noong panahon ng Aktibismo” ni Grace D. Abella at Jose M. David, Jr. (Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas) p.324.
No comments:
Post a Comment