Sunday, June 17, 2012

Gabay ng Guro sa Pagtuturo Para sa Baitang 7

Inihanda ni: 
Gng. Cristina R. Bisquera
Teacher 1
Balara High School
K+12 Curriculum



Unang Markahan
Linggo 1

Unang araw

Mga Tunguhin:
1. Naibibigay ang paksa ng akdang Mabangis na
Lungsod sa pamamagitan ng "concept web" at natutukoy ang mga mahahalagang impormasyong nabanggit sa akdang sa tulong ng mga kaugnay na mga larawan
2. Naibabahagi ang damdamin ukol sa tauhan sa 
akdang Mabangis na Lungsod sa pamamagitan ng 
pagguhit 
3. Napagkukumpara ang Mabangis na Lungsod at Quiapo sa pamamagitan ng T-chart at nakapagbigay-puna ukol sa akda
4. Nasusuri ang mga mahahalagang detalye mula sa
akdang Mabangis na Lungsod sa pamamagitan ng 
istratehiyang "brainstorming"

I. Mga Kagamitan:
Mga larawan ng mga bagay na makikita lamang sa lungsod, mga hayop na mabangis, manila paper, pentel pen, krayola

II. Pamamaraan

A. Introduksyon
Paggamit ng concept web upang masukat ang kaalaman ng mga mag-aaral ukol sa pagpapakahulugan ng mga salitang mabangis at lungsod.

B. Presentasyon

1.Gumamit ng mga ginupit na mga larawan na may kaugnayan sa mga salitang mabangis at lungsod at idikit sa pisara. Tanungin ang mga mag-aaral sa ugnayang na maaaring mabuo mula sa mga larawan.


2. Magsagawa ng maikling talakayan ukol sa 
a. paksa
b. tagpuan
c. tauhan
d. pangyayari/banghay

C. Pagpapayaman
Balikan ang tagpuan sa akda, ang Quiapo. Gumamit ng T-chart upang maipakita ang paghahambing ng isang mabangis na lungsod sa Quiapo. Tanungin ang mga mag-aaral, “Anong mga katangian ng mabangis na lungsod na maihahambing sa lungsod ng Quiapo na siyang tagpuan sa akda?”

D. Pagpapalawig
Magkakaroon ng pangkatang gawain o brainstorming (5 hanggang 6 na miyembro lamang bawat pangkat). Iguguhit ng bawat pangkat ang kanilang paglalarawan sa isang manila paper sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong na 
“Kung ang mabangis na lungsod ay naging tao, ano ang anyo nito?” 

E. Sintesis
Ibabahagi ng bawat pangkat ang kanilang mga output sa klase. Ang guro ay maaaring hingan ng mga paliwanag at paglalarawan ang mga mag-aaral. 

Ikalawang araw

Mga Tunguhin:
1. Nagbibigyang-puna ang mga ginawa at mga desisyon 
ng mga tauhan sa akda sa pamamagitan ng character sketch 
2. Nakasusulat ng talatang naglalarawan ukol sa sarili sa tulong ng 
Venn Diagram ng mga katangian ng tauhan at ng sarili

I. Kagamitan
-larawan ng isang batang Quiapo, kopya ng akdang Mabangis na Lungsod, papel

II. Pamamaraan

A. Presentasyon
Balikan ang Gawain sa nagdaang araw. Ipaskil ang larawan ng isang batang Quiapo sa pisara. Gumamit ng Character web/Map upang maipakita ang mga katangian ni Adong at pagbanggit sa mga suportang detalye mula sa akda. Isulat ito sa pisara. Magkakaroon ng talakayan ukol dito.

B. Pagpapayaman
Magkakaroon ng indibidwal na gawain. Mula sa mga nakadetalyeng mga katangian ni Adong sa pisara ay ipapakita sa tulong ng Venn diagram ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng sarili at sa katangian ng tauhan na si Adong. Isusulat ito sa isang papel.

C. Pangwakas na Pagtataya
Sa tulong ng Venn Diagram sa pisara ay susulat ang bawat mag-aaral ng isang talatang naglalarawan ng sariling mga katangian. Isulat ito sa isang papel.

Ikatlong araw
Mga Tunguhin:

1. Naiuugnay sa mga isyu sa lipunan ang akdang 
Mabangis na Lungsod sa pamamagitan ng 
istratehiyang "brainstorming"
2. Naisasadula ang mga problema o suliraning
panlipunan na ipinakita sa akdang Mabangis na
Lungsod

I. Mga Kagamitan:
kartolina, tape, pisara, pentel pen

II. Pamamaraan

A. Pagganyak
Balikan ang larawan ng Mabangis na Lungsod. Tanungin ang mga mag-aaral, “Anu-anong mga problema o suliranin sa lipunan ang ipinakita sa akda?”

B. Sintesis
Magkakaroon ng pangkatang gawain. Maaaring gamitin ang pangkat sa naunang araw at maaari din na gumawa ng panibago. Ang bawat pangkat ay pipili lamang ng isa sa kanilang listahan ng mga hakbang/paraan upang matugunan ang suliranin.

C. Pangwakas na Pagtataya
Magkakaroon ng presentasyon ang bawat pangkat. Maaaring hingan ng reaksyon ang klase.

Ikaapat na Araw

Pagtataya sa Pagtataya 

Mga Mungkahing Gawain:

1. Maaaring magpasulat ng kaugnay na tula ukol sa Mabangis 
na Lungsod/Pagsulat ng Puna
2. Pangkatang Gawain-Magpalikom ng mga impormasyon ukol sa Buhay sa Quiapo sa pamamagitan ng mga sumusunod:
a. Interbyu ng mga taong Quiapo
b. Dokumentaryo ng Buhay sa Quiapo
c. Mga Pelikula o teleserye ukol sa buhay sa Quiapo
d. Mga akdang pampanitikan ukol sa buhay sa Quiapo-
gaya ng tula, dula, maikling kuwento at iba pa
e. Mga obra maestra na may konsepto ng Quiapo-
larangan ng pagpinta at iskultura

Cristina R. Bisquera


 BANGHAY-ARALIN                      
 Unang Markahan  Balara High School 
Linggo 1

BATAYANG BATAYANG LINGGUHANG 
PANGNILALAMAN KAKAYAHAN TUNGUHIN
(DOMAINS)

PAG-UNAWA SA Nahihinuha ang 1. Naibibigay ang paksa ng akdang Mabangis na
NAPAKINGGAN konteksto ng pinakinggan ayon sa lugar, Lungsod sa pamamagitan ng "concept web"
kausap at paksa 2. Natutukoy ang mga mahahalagang impormasyong
nabanggit sa akdang Mabangis na Lungsod sa tulong
ng mga kaugnay na mga larawan


PAGSASALITA Nagpapahayag ng damdamin, ideya, 1. Naibabahagi ang damdamin ukol sa tauhan sa
opinyon at mensahe gamit ang malilinaw akdang Mabangis na Lungsod sa pamamagitan ng
na pangungusap pagguhit
2. Nagbibigay-puna sa mga ginawa at mga desisyon
ng mga tauhan sa akdang Mabangis na Lungsod sa
pamamagitan ng character sketch
3. Napagkukumpara ang Mabangis na Lungsod at
Quiapo sa pamamagitan ng T-chart


PAG-UNAWA SA BINASA Nagagamit ang dating kaalaman 1. Naiuugnay ang sariling
at karanasan sa pag-unawa at karanasan o karanasan ng iba sa akdang Mabangis
pagpapakahulugan sa mga kaisipan sa na Lungsod sa tulong ng Venn Diagram
teksto 2. Naiisa-isa ang mga problema o suliraning
panlipunan na matatagpuan sa akdang Mabangis na
Lungsod
3. Naiuugnay sa mga isyu sa lipunan ang akdang
Mabangis na Lungsod sa pamamagitan
istratehiyang "brainstorming"


PAGSULAT Nakasusulat ng isang payak at masining Nakasusulat ng talatang naglalarawan ukol sa sarili
sa tulong ng Venn Diagram ng mga katangian
ng tauhan at ng sarili



TATAS May likas na talino sa aktibong Nasusuri ang mga mahahalagang detalye mula sa
komunikasyon akdang Mabangis na Lungsod sa pamamagitan ng
istratehiyang "brainstorming"


PAKIKITUNGO SA Masining na tumutugon sa mga oportunidad 1. Naisasadula ang mga problema o suliraning
WIKA AT PANITIKAN sa ibayong pag-aaral ng wika at panlipunan na ipinakita sa akdang Mabangis na
panitikan Lungsod
2. Nakasusulat ng kaugnay na tula ukol sa Mabangis
na Lungsod


ESTRATEHIYA SA Nakahahanap ng mga angkop at sari-saring Nakalilikom ng mga impormasyon ukol sa Buhay sa
PAG-AARAL batis ng impormasyon upang makabuo ng Quiapo sa pamamagitan ng mga sumusunod:
mga kongklusyon at mabigyang-bisa ang 1. Interbyu ng mga taong Quiapo
mga pinaniniwalaan 2. Dokumentaryo ng Buhay sa Quiapo
3. Mga Pelikula o teleserye ukol sa buhay sa Quiapo
4. Mga akdang pampanitikan ukol sa buhay sa Quiapo-
gaya ng tula, dula, maikling kuwento at iba pa
5. Mga obra maestra na may konsepto ng Quiapo-
larangan ng pagpinta at iskultura

Tuesday, January 24, 2012

Tanaga


Mga Orihinal na Tanaga
Ni Gng. Cristina R. Bisquera
Teacher I
Balara High School


***
Harayang kiniliti,
Musang di mapakali.
Berso ko’y tumitili,
Talinghaga’y tinatahi.


***

Kalumpon ng bulaklak,
Sa madla ay tumambad.
Sa pagtatakipsilim,
Unti-unting nalagas.


***

Nakakuyom na palad,
Sikmurang kumakalam.
Inuusal ay dasal,
Magdusa’y kaaliwan.

Tuesday, August 30, 2011

Genoveva Edroza Matute (1915-2009) Ipinaskil noong Marso 26, 2009 ni Roberto Añonuevo

Genoveva Edroza Matute (1915-2009)

Geneveva Edroza Matute
Genoveva Edroza Matute
Pagpapahiwatig ang isang matingkad na katangian ng mga kuwento ni Genoveva Edroza Matute. Karaniwang magtutuon siya sa isa o dalawang tauhan, at sa mga tauhang ito ay lalaruin niya ang banghay at gusot ng kuwento. Ang pingas o puntos ng tauhan ay maaaring nasa kapasiyahan nito, at hindi dahil sa taglay na personal at panlabas na anyo. Sa mga matagumpay niyang kuwento, ang mga tauhan ay pumupukol ng mabibilis na salitaan, o nagsasalita sa guniguni, at ang mga kataga ay waring makapaglalagos sa kalooban ng mambabasa.  Sumasabay din ang mga kuwento ni Aling Bebang, palayaw ni Matute, sa mga kasalukuyang pangyayari na kung minsan ay nakalulugod at kung minsan ay nakaiinis, at kung ano man ang epekto nito sa mambabasa’y mauugat sa lalim ng pagkaunawa ng manunulat sa kaniyang pinapaksa.
Si Aling Bebang, ayon sa talambuhay na sinulat ni Gregorio C. Borlaza, ay bunso sa labindalawang magkakapatid, at supling nina Anastacio B. Edrosa at Maria Magdalena K. Dizon. Siyam ang namatay sa kaniyang mga kapatid, at karamihan ay wala pang isang taon ang itinagal sanhi ng pagkakasakit. Lumaki siya sa Tayuman-Oroquieta, malapit sa karerahan ng kabayo sa San Lazaro. Hindi naglaon ay nakitira siya sa kaniyang ale—na kapatid ng kaniyang ama—doon sa Felix Huertas, Maynila hanggang makatapos ng elementarya. Nag-aral siya sa Santa Clara Primary School (na magiging Gomez Elementary School) at Magdalena Elementary School, pagkaraan ay sa Manila North High School (na Arellano High School ngayon), nagkolehiyo sa Philippine Normal School (na Philippine Normal University ngayon), hanggang matapos ang masterado sa Filipino at doktorado sa edukasyon sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Kontrobersiyal ang buhay ni Aling Bebang dahil malinaw ang kaniyang paninindigan sa pagsusulong wikang pambansa. Ang ganitong tindig ay maaaring sanhi ng kaniyang masaklap na karanasan noong nasa elementarya, na inilakip ni Borlaza sa talambuhay ni Aling Bebang:
Mabuti naman at mababait ang mga guro sa mga paaralang pinasukan ni Bebang, bagaman ang guro niya sa Unang Baitang ay may kakatuwang pamamalakad. Bawal na bawal noon ang pagsasalita ng Tagalog. Ang kanyang guro ay may malalim na bulsa sa saya (baro’t saya pa ang kasuotan ng mga gurong babae noon), na may lamang siling labuyo. Kapag may nahuli siyang mag-aaral na nagsasalita ng Tagalog ay dumudukot siya ng sili at pilit na ipinangunguya sa pobreng “nagkasala.” Sinasabitan din ng kartong may ganitong nakasulat: I was caught speaking the dialect.
Ang palakad na ito ay laganap noon sa buong Pilipinas. Hindi lamang Tagalog kundi lahat ng wikang pansarili ng iba’t ibang rehiyon ay ipinagbawal. Ito ay nanatili hanggang maging malaya na ang Pilipinas. Mabuti ang hangarin—upang matulungan ang mga mag-aaral na madaling matuto ng Ingles—subalit masama ang naging epekto sa damdaming makabansa ng mga Pilipino. Maliit pa siya’y naiisip na: “Biglang naipit sa desk ang paa ko. Siyempre, masasabi ko ang Aray! Ang lagay ba, iisipin ko muna ang tawag doon sa Ingles, at pagkatapos ng mahahabang sandali ay saka pa ako dadaing ng Ouch!”
Hindi rin batid ng nakararami na may mga pinaaral na iskolar si Aling Bebang (na ginagawa yaon bilang pagpupugay sa kaniyang inang si Maria Magdalena), at ang dalawa sa mga ito ay nagpasalamat sa kaniya noong kaniyang burol. Malimit sabihin ni Aling Bebang sa kaniyang mga iskolar: “Mag-aral kayo at magsumikap. At kapag kayo’y nakatapos ay tumulong din kayo sa ibang tao upang mabawasan ang kanilang paghihirap.” Akala ng iba’y sadyang masungit at mahigpit si Aling Bebang, yamang walang anak at maagang nabalo nang yumao ang manunulat na si Epifanio G. Matute. Malambot din pala ang kaniyang puso sa mga kabataang masikap ngunit dukha.
Hindi kataka-taka ang pagmamalasakit ni Aling Bebang sa kaniyang mga kabataang iskolar. Ang pagnanais na umangat sa pamamagitan ng edukasyon ay matutunghayan kahit sa kaniyang kuwentong “Bughaw pa sa likod ng ulap”  na tungkol sa magkapatid na naghirap at natutong mabuhay sa pangangalap ng basura nang maulila sa ama pagkaraan ng digmaan, ngunit sa kabila ng lagim ay mangangarap pa rin ang isang bata na makatapos ng pag-aaral.
Sa isang kuwentong pinamagatang “Lola,” inilahad ni Aling Bebang ang isang pangyayari sa pananaw ng isang inang dukha na may sandosenang anak. Nakatagpo ng babae sa ospital ang isang matandang mayaman, na sa unang malas ay pasyente ngunit ang totoo pala’y doon lamang tumitira sa ospital kahit walang sakit yamang walang nag-aalaga sa kaniyang kaanak. Inalok ng matanda ang babae na ampunin na lamang niya ang isang anak, at tutumbasan niya ng salapi iyon para sa ikaaangat ng buhay ng pamilya ng babae. Sa dulo ng kuwento, lumayo ang babae at humabol naman ang matanda. Walang sinabi ang babae ngunit nakintal sa kaniyang gunita ang matandang bihis na bihis at nahihiyasan, iniaabot ang supot ng pasalubong, at ang kanang kamay ay nakalahad na umaabot sa patalilis na kausap.
Ipinamalas lamang ni Genoveva Edroza Matute na kahit sa kuwento ay hindi dapat sabihin ang lahat, at mabisa ang pahiwatig ng mga larawan o tagpo. At kahit sa tunay na buhay, may mga bagay na mabuting ilihim, kahit ang tapat na pagtulong at pagmamahal sa kapuwa at kababayan.

Saturday, August 27, 2011

Ang Panitikan at Iba Pang Sining Ang Relasyon ng Panitikan at Iba Pang Sangay ng Sining sa Panahon ng Batas-Militar


Cristina R. Rocas
Panitikan
PP 222
Dr. Joi Barrios



I.                   Introduksyon


Tampok sa papel na ito ang “overview” o pangkalahatang pagtingin sa
Sining ng Pilipinas na may pagtuon sa iba’t ibang sangay nito--- Pelikula, Dulaan, Sining Biswal, Musika at Sayaw sa loob ng panahon ng Batas-Militar.

            Magandang talakayin ang panahong ito sapagkat nagbigay-daan ito sa sa pagkakaroon ng sining ng Protesta sa Kontemporaryong Panahon sa Pilipinas. Interesanteng pag-aralan ang mga naging reaksyon ng bawat sining sa panahon ng imposisyon ng mahigpit na sensura. Layunin ng papel na ito na alamin ang mga epekto ng panahong ito sa mga sining ng Pilipinas at ang mga produktong pangsining na iniluwal nito.

II.                Ang Iba’t ibang Sangay ng Sining sa Panahon ng Batas-Militar


A.     Dulaan

Isa sa mga magagandang idinulot ng Batas-Militar ay ang pagdami ng mga grupong pandulaan sa mga paaralan, komunidad at simbahan. Ang dulaan ay ginamit bilang pangunahing tinig ng pagprotesta sa kairalan sa lipunan noong panahong iyon. Kabilang sa mga grupong ito ay ang mga student-based groups gaya ng Peryante (UP Diliman), Dugong Silangan (UE), Entablado (Ateneo de Manila University), Tamanaba (UP Manila) at Kapilas (De la Salle University).

Ang protest movement na ito ay lumaganap ng husto mula 1981 hanggang 1986 na pinag-alab pa lalo ang damdaming makabayan ng mga mamamayan sa pagpaslang kay Ninoy Aquino noong 1983.

Maraming uri ng dula ang lumaganap sa panahong ito upang matugunan ang pangangailangan ng panahon. Ang mga dula ay tumatalakay sa mga isyung nasyunal, sektoral at iba pa. Sa isyung nasyunal nariyan ang isyu ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at piyudalismo. Kabilang naman sa sektoral na isyu ay ang pagtatampok sa mga manggagawa sa Mindanao gayundin sa mga pangkat etniko sa katimugan.

Sa pagsasadula ng mga isyung ito ay may mga porma na kinasangkapan ang mga grupong pandulaan noong 1980’s at ito ang mga sumusunod: dula-tula, choral recitation, bodabil, improvisation, pantomime, effigy-lantern play, radio play, allegorical play, kilos-awit, kilos-sayaw, newspaper theater, salubong at senakulo (tradisyunal na porma), noh (mula sa Asya), image at forum theater (mga porma na pinasimulan ni Augusto Boal ang “Theater of the Oppressed”).

Isa sa mga halimbawa ng pormang lumaganap sa panahong ito ay ang mga dula-tula. Isa sa mga dula-tulang ito ay ang pagsasadula ng tula ni Jose Lacaba ang “Ang Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ni Juan dela Cruz” ng UP Repertory Company noong 1975 sa direksyon ni Ces de Joya. Ang dulang ito ay itinanghal lamang sa mga school lobbies tuwing may student  rallies at sa mga komunidad. Mayroon lamang itong tatlong tauhan. Ang isa ay tumatayong tagapagsalaysay samantala ang dalawa ay tumatayong mga aktor---ang isa ay ang pangunahing tauhan at ang isa naman ay si Ms. Ellaneous na may mas maraming papel.

Ginamit din ang bodabil bilang propaganda laban sa diktador bilang porma ng teatro political. Nakatulong ng malaki ang pormang ito sapagkat bukod na sa nakakaaliw ito ay di napapansin na nagtataglay na pala ito ng mga isyung panlipunan at political gaya nng imperyalismo, dinastiyang Marcos at iba pang isyu sa mga political rallies noong panahong iyon. Isa sa mga halimbawa ng mga bodabil na ito ay ang Ilokula, ang Ilokanong Drakula II (1983) na itinanghal sa mga lansangan. Ito ay sa panulat at direksyon ni Chris Millado. Itinanghal ito sa kauna-unahang pagkakataon ng Peryante noong 1983 sa Palma Hall Steps sa UP Diliman at naitanghal din sa mga mass actions.

Ang Ilokula II ay sequel ng Ilokula I noong 1980  ukol sa nepotismo at sa unexplained wealth ng pamilya Marcos. Ang dulang ito ay nasa Pilipino at nasa pormat ng circus-vaudeville na nagpapakita ng mga sayawan at kantahan ng mga minister-monsters ng gobyerno at mga magic-horror portion kung saan inooperahan si Ilokula.

Ang dulangsangang ito ay ukol sa isang Ilokanong drakula na mbubuhay namag-uli sa Bisperas ng Monster’s World Anniversary at ang asembleya na pinangungunahan ni Madam Kula, ang Reyna (asawa ni Ilokula) ng mga halimaw kasama sina Dra. Maxima Bareta (monster-minister ng finance), Dr. Barile at Dr. Rebolber. Sa pagkabuhay ni Ilokula ay nakaramdam ito ng pananakit ng tiyan--- naaranas ng pagka-epatso sa kanyang kinain dahil sa katakawan. Nang operahan si Ilokula ay maraming mga iba’t ibang parte ng katawan ang nakuha mula sa kanyang tiyan--- kamao ng isang manggagawa, balikat ng isang magsasaka, binti ng isang estudyante, utak ng isang propesyunal, dila ng isang artista, mga puso at atay ng mga taong namatay para sa bayan. Ang mga iba’t ibang parte ng katawan ng mgamamamayan ay nabuo at naging isang tunay na tao na siya ring pumatay sa mga halimaw.

Lumaganap din pagkatapos ideklara ang Batas-Militar ang mga lightning plays na isinasagawa sa mga pamilihan. Ang mga dulang ito ay nagagnap lamang sa loob ng ilang minuto upang makaiwas sa mga paghuli. Simula noong 1972 hanggang 1976 ay walang nakarekord ba mga pagtatanghal sa lansangan ng mga dula o dulansangan sapagkat laganap ang mga hulihan  at pagdakip sa mga artista sa teatro. Samantala ang iba naman ay nagpatuloy sa mga pagtatanghal sa entablado bilang isang di-tuwirang pagtuligsa sa Rehimeng Marcos.

Kabilang sa mga di-tuwirang pagtuligsa sa pamahalaan noon ay ang mga pagpapalabas ng mga makasaysayang  mga dula na may temang pangkasulukuyan habang gumagamit ng mga eksenang pangsinauna. Ilang halimbawa nito ay ang Ang Tao…Hayop o Tao (1975) ni Nanding Josef; Mayo A-Biente Uno atbp Kabanata (1978) ni Al Santos; Katipunan: Mga Anak ng Bayan (1978) ni Bonifacio Ilagan at ang Ang Walang Kamatayang Buhay ni Juan dela Cruz Alyas…(1976) ni Lito Tiongson.

Laganap din ang “social realism” sa mga dula sa panahong iyon na nagpapakita sa kahirapan at opresyon na nararanasan ng mga mamamayan gaya ng Alipato (1975) ni Nonilon Queano, Juan Tamban (1979) ni Malou Jacoc, Higaang Marmol (1976) ni Nic Cleto at ang Buhay Batilyo, Hindi Kami Susuko (1975) ni Manuel Pambid.

Sa mga debelopment na ito ng dulaan sa panahon ng Batas-Militar ay masusumpungan ang isang matibay na ugnayan sa pagitan ng lipunan at ng sining. Bilang mga alagad ng sining at kasapi sa lipunan, ang mga manunulat at mga artista ay malay sa kanilang responsibilidad sa mga mamamayan o sa mga kapwa Pilipino at lalo’t higit sa bayan.
           

B.     Pelikula


Kasunod ng deklarasyon ng Batas-Militar ng dating Pang. Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972 ay ang pagbabawal ng pamahalaan sa pagpapalabas ng mga pelikula na nagpapakita ng pagiging subersibo, insureksyon o di kaya ay rebelyon laban sa gobyerno; naglalayong alisin ang tiwala at simpatiya ng mamamayan sa gobyerno; at pagpuri sa mga kriminal at paglaganap ng karahasan. Ilan lamang ito sa mga nakasaad sa detalyeng mula sa Letter of Instruction No. 13, 1972.

Sa panahong din ito itinatag ng dating Pang. Marcos ang Experimental Cinema of the Philippines (ECP) upang mahikayat ang Industriya ng pelikula na sumusuporta sa kanyang rehimen. Isa sa mga proyekto ng ECP ay ang pamahalaan ang lahat ng gastusin bilang tulong sa mga movie producer at maglaan ng isang film rating board para magbigay ng tax rebates sa mga prodyuser ng mga dekalidad na pelikula. Ang unang dalawang dekalidad na pelikula na naprodyus ng ECP ay ang Oro Plata Mata (1982) at Himala (1982).      

Sa panahong din ito ay nagkaroon ng bagong henerasyon ng mga filmmakers na nagnanais na baguhin ang Pelikulang Pilipino. At ito ay sa pamamagitan ng paglikha ng mga pelikulang hindi sumusunod sa mga kumbensyon. Sa pamamagitan ng mga ito ang mga Pelikulang Pilipino ay na-reinvent. Naging produktibo ang paglikha ng mga pelikula sa panahong iyon sa pamamagitan nina Lino Brocka, Mike de Leon, Ishmael Bernal, Behn Cervantes, Celso Ad Castillo at Marilou Diaz-Abaya.

 Sa hanay naman ng mga short films ay nakilala naman si Raymond Red sa panahong ito. Ang ilan sa kanyang mga likha ay ang Ang Magpakailanman (1983) na sinasabing magandang halimbawa ng isang makabago at malikhaing uri ng pelikula; Ang Hikab (1984); Ang Sining (1983); Kabaka (1983); at ang Kamada (1984) na isang ekplorasyon ng mga relasyon sa gitna ng isang mapang-aping mundo.

May dalawang dominanteng kampo ng mga short filmmakers sa panahong ito batay sa kahalagahang istitikong isinusulong ng mga ito. Ang unang grupo ay nagsusulong na film as film na nagbibigay-diin sa pelikula bilang sining. Pinahahalagahan ng grupong ito ang porma, ang pagdiskubre ng mga bagong ideya, aplikasyon ng mga innovative techniques at ang adapsyon ng mga estilo. Sa grupong ito nabibilang  ang mga pelikulang eksperimental, animation at mga maiikling pelikula na subjective ang lapit.

Ang ikalawang grupo ay sinusulong ang kaisipang ang pelikula ay kinakailangang nakikisangkot sa panlipunang realidad. Sa grupong ito ng mga director ang kamera ay nagsisilbi lamang instrumento para mailantad ang iba’t ibang realidad.

Ang mga maikling pelikula ng mga bagong henerasyon ng mga director ay kinikilala sa labas ng bansa sa panahong ang pang-komersyal na pelikula ay nakakahon lamang sa mga pormula at walang pagpapahalaga sa kalidad. Ang ilan sa mga pelikulang ito ay ang Oliver (1983) na tungkol sa isang baklang entertainer na may pamilyang sinusuportahan sa Tundo; ang Children of the Regime (1985) na ukol naman sa mga batang inaabuso at mga batang ginagawang prosti; at ang Revolution Happens like Refrains in a Song (1987) na tungkol naman sa mga naisin at kapighatian ng people power revolt. Ang pelikulang ito ay nanalo ng unang gantimpala  sa 19th International Super-8 and Video Festival sa Brussels, Belgium. Ang mga pelikulang nabanggit ay naipalabas na rin sa mga malalaking mga film festivals sa New York, London, San Francisco, Los Angeles, Hong Kong at Yamagata (Japan).

Kaalinsabay ng produksyon ng mga maikling pelikula ay ang pagdami rin ng mga “cause-oriented groups” at mga “non-governmental organizations”. Isa sa mga organisasyong ito ang Communication Foundation for Asia (CFA) na nagpoprodyus ng mga pelikula sa labas ng industriya ng pelikula na tumutuligsa sa mga impormasyong na idinidikta ng pamahalaan ni Marcos. Ang CFA ay isang religious-run media center. Bukod sa pagsasagawa ng mga workshop ay nagpoprodyus din ito ng mga media materials gaya ng feature films na gaya ng Sugat sa Ugat (1980) ni Ishmael Bernal na nagpapakita ng sigalot sa pagitan ng buhay sa probinsya at ng modernidad na makikita sa antagonismo ng dalawang henerasyon. Malaki rin ang kontribusyong ng CFA lalo na sa paglikha ng mga dokumentaryo na may social relevance gaya ng Children of the Regime (1985); A Spark of Courage (1984) at ang People’s Power Revolution: The Philippine Experience (1986).

Ang Asia Vision ay isa rin sa mga non-governmental organization na nagpoprodyus ng mga progresibong dokumentaryo. Naitatag ito noong 1982 at isinadokumento ang pakikibaka para sa hustisya at demokrasya sa mga huling taon ng diktaduryang Marcos. Ang una nitong dokumentaryo ay ang Sabangan (1983) ni Joe Cuaresma at Freddie Espiritu. Kabilang din sa mga mahahalagang proyekto ng Asia Vision ay ang The Arrogance of Power (1983) at ang No Time for Crying (1987) ni Lito Tiongson; ang Signos (1983) at Lakbayan (1984) ni Mike de Leon.

Bukod sa mga organisasyong ito ay may mga cultural agencies din na nakatulong sa pagsulong ng “Alternative cinema” gaya ng Cultural Center of the Philippines na pumalit sa dating ECP. Sinusuportahan ng CCP ang mga bagong artista sa paggawa ng mga maikling pelikula  sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga taunang patimpalak ng maikling pelikula at video.

Bilang paglalarawan sa kalagayan ng alternatibong pelikula sa panahon ng batas-militar o sa ibinunga nito sa sining na ito wala nang iba pang panahon sa pelikulang Pilipino ang nakalikha ng iba’t ibang baryasyon sa porma at estilo. Ang mga sumusunod ay mga obserbasyon ng isang manunulat noong 1985 sa mga filmmakers (CCP Encyclopedia, vol.8,p67):

As this writer noted in 1985, the young filmmakers vividly manifest through their works new ways of regarding the film image: 1) there is a conscious articulation of film as a plastic material that can photograph, or be painted upon; scratched, or anything that the filmmaker wishes to do with the film material;2) there is a high degree of perception of social reality that brings to light many unrevealed nuances of political, economic and social life; 3) there emanates from among the works a subjective reality of the filmmakers where the strong recurrence of dreams both as subject and technique informs us of the restlessness attitude that these young artists have in relation to their society; and 4) there is also a tendency in some works to tread on abstraction using film’s formalistic elements to purge cinema of its narrative values while at the same time subverting common-held attitudes to foster new perceptions and uses of the cinematic art.

C.     Sining Biswal

Sa pagdeklara ng batas-militar ang sining ng Protesta ay babad sa social realism. Naglulundo sa mga sosyo-politikal na mga tema sa makabagong estilo---gaya ng mga sigalot sa pagitan ng mga cultural communities, reporma sa lupa, karapatang manggagawa, liberasyon ng mga kababaihan at kalayaan mula sa kontrol ng ekonomiya ng mga dayuhan. Ang lahat ng mga temang ito ay tahasang makikita sa mga imahe sa mga drawings, paintings at sculptures.

Dahil sa kawalang-hustisya at kurupsyon ng rehimeng Marcos ay isang bagong uri ng sining ang umusbong mula sa Sining ng lansangan na isinasagawa ng mga grupong nagpoprotesta. Ang mga grupo ng artista kasama ng mga “cause-oriented groups” ay gumawa ng mga murals sa ibabaw ng mga dyip upang iparada sa mga rally noong panahong iyon. Hindi tumatanggap ng bayad ang mga artista sa kanilang mga ginagawa gayundin ang mga materyales na ginagamit ay bigay lamang ng mga iba pang kapanalig.

Isa sa mga halimbawa ng produkto ng sining biswal sa panahong iyon ay ang painting ni Renato Habulan, ang Kagampan (1983) oil in canvas.

Ang kapangyarihan ng painting ay nagmumula sa pagiging realistiko nito at sa detalyadong representasyon ng mga pigura ng mga manggagawa at magsasaka na nakahilera. Ipinapakita sa painting na ito ang pagkakaisa at kalakasan ng masa na siyang  pangunahing paksa sa kabuuan ng  na siya rin marginalisado sa sining. Makikilala ang mga manggagawa sa painting sa mga kasuotan at kanilang mga kagamitan.

D.    Musika

Ang panahon ng batas-militar ay panahon ng malawakang eksperimentasyon sa porma, nilalaman at estilo sa pagpapahayag ng mga iba’t ibang karanasan mula sa loob at labas ng bansa. Ang mga mang-aawit ng protesta sa panahong iyon ay inadapt ang awitin ng Tsina at Latin-Amerika gaya ng “La Plegaria de un Labrador” (A Worker’s Prayer) na isinalin sa Pilipino ni Jess Santiago at “Cuando Voy al Trabajo” (Going to Work) na isinalin sa Pilipino ni Karina Constantino-David. Gayundin ang paggamit ng Rock (protest medium sa Kanluran) upang ipahayag ang mga rebolusyunaryong hangarin gaya ng awiting “Mga Babae” na isinulat ng isang underground songwriter na si Ka Arting na kilala bilang Florante ng Hukbo. Ang mga awitin ay nagpapahayag ng mga abang kalagayan ng masa, sa abot kamay nang rebolusyon, at sa nakikinitang tagumpay ng masang Pilipino.

Kabilang sa mga makatang ito sina Heber Bartolome, Jess Santiago, Joey Ayala at mga grupo gaya ng Inang Laya at Patatag na nagtatanghal sa mga protest march, rally at demonstrasyon bilang pakikiisa sa protesta ng taong bayan.
 

E.     Sayaw


Bagaman ang mainstream ng Sayaw sa Pilipinas sa panahon ng batas-militar ay ginamit bilang entertainment sa paghatak ng turismo at pagtangkilik pang lalo sa kulturang  maka-burgis na siyang lumawig sa panahon ng Rehimeng Marcos. Mahalagang sipatin ang debelopment ng sining na ito sa sining ng protesta sa kabuuan. Ang mga sayaw na nalinang sa sining ng protesta sa lansangan. Ito ay ang mga sayaw sa mga bodabil, kilos-awit at kilos-sayaw na ginanap sa rally, piket at mga demonstrasyon. Malaki ang kontribusyon ng sining na ito sa pagtatagumpay ng sining ng protesta sa panahong ito.


III.             Konklusyon

Sa lahat ng mga datos na iniharap sa tulong ng mga pag-aaral na isinagawa ng mga dalubhasa sa sining ay mahihinuha na ang sining na nalikha sanhi ng opresyon at kawalang-hustisya sa panahon ng batas-militar ay nakapagdulot ng isang malawakang movement na humihingi ng pagbabago. Ang mga produktong kultural na iniluwal ng panahong ito ay magsisilbing mga palatandaan ng isang panahon na ang ang lahat antas sa lipunan ay nagkaisa tungo sa di matatawarang pagbabago mula sa isang masalimuot na paghahari ng isang diktador. Magsisilbi rin itong panandang bato sa kontemporaryong panahon ng pagbubuklod ng mga alagad ng sining  tungo sa iisang layunin.


Ang mga Pagbabago sa Maikling Kuwento sa Panahon ng Protesta 1972-1986



Ni Cristina R. Rocas
           
Ang mga maikling kuwento sa panahon ng 1972 hanggang 1986 ay may tuwirang pagtalakay sa mga suliraning panlipunan: ang imperyalismo, piyudalismo at burukratang kapitalismo na sinasabing pinalaganap ng pasismo na siyang pangunahing dahilan ng pag-aaklas ng sambayanan maging sa panulat sa panahong iyon. Malayo ito sa mga naunang mga tema ng maikling kuwento na may pagtalakay sa pag-ibig, mga relasyon, paglalayo love triangle at iba pa.

Ang mga maikling kuwento sa panahong ito ay nakikisangkot sapagkat nagbigay ito ng kongkretong kaalaman tungkol sa tunay na kalagayan ng lipunan, ng realistiko at naturalistikong paglalarawan ng tunay na pamumuhay ng mga Pilipino sa panahong iyon ng Batas Militar. Sang-ayon ito sa paniniwala ng mga kasapi sa samahan sa lipunan at kultura na ang pagsusulat ay isang gawain ng pakikisangkot at ang dapat na paglingkuran ng mga manunulat (sa kasong ito ng mga kuwentista) ay walang iba kundi ang mga mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan.

Ang mga kadalasang paksa sa mga maikling kuwento sa panahong ito ay ang mga karanasan ng masa na isinatitik ng mga manunulat. Kilala ang mga anyong pampanitikang ito bilang panitikang “mula sa masa at tungo sa masa” na siyang layuning buuin ng PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan) noong 1970. Isa itong samahan na kinabibilangan ng mga manunulat, kritiko, guro’t mag-aaral sa panitikan na nagbigay landas sa mga kabataang manunulat sa kanilang panghihimagsik. Layunin ng panitikang “mula sa masa, tungo sa masa” na bigyang-anyo ang kanilang mga pangangailangan.

Sa kadahilanang halos lahat ng kuwentista sa Pilipinas sa panahong iyon Batas Militar ay kasangkot sa kilusang makabayan, tampok sa kanilang mga akda ang mga suliraning tulad ng paghihikahos ng marami sa pagpapasasa ng iilan, kabulukan sa pagpapatakbo ng pamahalaan, kawalan ng katarungan sa mga limot na mamamamayan at pang-aalipin ng negosyanteng dayuhan at ng sabwatan ng mga burgis. Lantad ang poot sa mga akdang ito.

Sa panahong iyon sa ating kasaysayan ay nagging isang mabisang instrumento ang panitikan particular ang maikling kuwento sa pagpapalaganap ng ideolohiyang nais na igiit ng mga manunulat noon--- na ang  tanging solusyon ay ang pagtatatag ng isang pambansang demokrasya, Malaya sa ekploytasyon ng banyaga at para sa kapakanan ng masa at hindi ng iilan lamang. 

Ang mga Indikasyon ng pagkakaroon ng Pag-unlad o Pagbabago sa Maikling Kuwento sa panahon ng mula 1972 hanggang 1986
         
Ang una sa mga indikasyon ng pagbabago o pag-unlad ay  makikita sa tema. Ang mga maikling kuwento sa panahong ito ay nakatuon ang pansin sa pagdarahop, pagsasamantala at karahasan na dinanas ng sambayanan sa lipunan, paglilipat-diin mula sa tao bilang tagapagbago, mula sa pag-iisa ng indibidwal tungo sa pakikiisa ng indibidwal sa isang kilusan mula sa elitistang pananaw tungo sa pangmasang pagkamulat.
Ang ikalawang indikasyon ay may kinalaman sa papel na ginampanan ng maikling kuwento bilang isang akdang pampanitikan na nagbigay-daan upang mailantad ang kaapihan at kahirapang dinaranas ng mga marginalisadong sector ng lipunan (manggagawa, magsasaka, mangingisda) at iba pang mga mahihirap sa lipunan.
Ang ikatlong indikasyon ay ang  wikang ginamit. Dahil sa ang layunin ay maiparating ang mga akdang ito sa masa ay kinailangang maiangkop ang wikang gagamitin sa mga dapat na mambababasa nito. Ginamit ang wikang mauunawaan ng masa o ng isang karaniwang mamamayan, ang tagalog. Maraming mga kilalang manunulat sa ingles ang nagsipagsulat na rin sa tagalog upang maiparating ang kanilang akda sa mas marami pang mambabasa. Sa pamamagitan ng paggamit  ng wikang nauunawaan ng masa ay magiging mabisa ang layunin ng mga manunulat sa maipaabot sa mas maramipang mambabasa ang kanilang mga paglalantad ng mga katotohanan at pagtutol sa mga kabulukang umiiral na sistema noong 1972 hanggang 1986 at higit sa lahat ay upang mapaunlad ang mapanuring pananaw ng masang Pilipino.
“Ang wika sa bagong panitikang Pilipino, sa pamamagitan ng panulat ng kasalukuyang henerasyon ng mga mulat na kabataang manunulat , ay talagang nagbabagong-bihis sa kalamnan. Ang ibinabandila nila ay isang klase ng literaturang parang panistis na bumubusabos sa ninanana at inuuod na kaisipan ng sambayanan, isang literaturang naglalarawan sa reyalidad ng piyudal at kolonyal na lipunang Pilipino, isang literaturang naghahantad sa mga kabulukan ng kasalukuyang lipunan—hindi tiwalag, kundi nakikisangkot, sa tunay na mga pangyayari, gaya ng patuloy na pagdaralita ng maraming Pilipino, gaya ng pagiging atrasado ng ating ekonomiya, at gaya ng patuloloy na pagkabusabos ng masa sa kamay ng mga naghaharing-uri”[1]

            *************************END************************************ 




[1] Mula sa sanaysay, “Ang Paggamit ng Wika sa Maikling Kuwento noong panahon ng Aktibismo” ni Grace D. Abella at Jose M. David, Jr. (Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas) p.324.

Ang Dulang Pilipino sa Panahon ng Okupasyon ng mga Hapon (1942-1945)


Ni Cristina R. Rocas

Stud. No. 97-28869

MA Filipino (Panitikan)
PP 261
Pasulat na Ulat





I.                   Kaligirang Panlipunan ng Pilipinas sa Panahon ng Okupasyon ng mga Hapon

                                               
Sa pagdating ng mga Hapones sa ating bansa, dala nila ang kanilang propaganda na ang mga hapon ay dumating sa Pilipinas bilang kapatid na siyang magpapalaya sa mga Pilipino. Ngunit taliwas ang propagandang kanilang pinangangalandakan sapagkat laganap noon ang pagmamaltratong inabot ng mga Pilipino sa kamay ng mga hapon. Pinatunayan ito ng mga salaysay ng mga dumanas ng karahasan--- pagmamaltrato, pambubugbog, pagpatay ng mga kaanak at panggagahasa.[1]
Mayroong pinaniniwalaang tatlong pangunahing dahilan para sakupin ng mga Hapones ang Pilipinas. Una, para maprotektahan ang imperyo ng mga hapon mula sa mga US military bases. Kinailangan nilang pigilin ito sa pamamgitan ng pagsakop sa Pilipinas na lumalabas na isang teritoryo ng Amerika sa panahong iyon. Ikalawa, ang Pilipinas ay nasa tugmang posisyon sa Timog-Silangang Asya na kinakailangan ng mga Hapon sa kanilang pag-abante sa katimugan. Makakatulong din ng malaki ito sa pagprotekta ng kanilang mga supply lines at para palakasin ang depensa ng hukbong hapon. At ikatlo, sa Pilipinas matatgpuan ang mga hilaw na materyales na kailangan ng bansang hapon para sa digmaan.[2] Ang lahat ng ito ay para sa itatagauyod ng depensang pangmilitar ng mga haon at siyang kumukontrol sa pamamahala ng Pilipinas.[3]
Ninais din ng mga hapon na makuha ang respeto nga Pilipino gaya ng respetong binigay ng mga ito sa mga Amerikano. Ngunit nahirapan silang makuha ang simpatya ng mga Pilipino. Sinasabing gawa ng mahabang panahon ng pagkababad sa kulturang kanluranin ang mga Pilipino ay nakalimot na sa kanyang pagiging Asyano. Gayundin, ang pagiging highly literate ng mga Pilipino ay nagsilbing sagabal sa pagsakop ng hindi lamang bansa gayundin ng kamalayan ng mga Pilipino. Ang problemang ito ang nagbunsod sa pagkabuo ng isang cultural policy sa panahon ng pananakop ng Japanese Invasion Army.
Nakapaloob sa cultural policy na ito ang paglalatag ng mga programa na makakatulong sa ikabubuti ng pagsasamahang Pilipino-Hapon. Kabilang sa mga polisiyang ito ang pagpapatuloy ng pamahahala ng mga Pilipino ng sariling gobyerno ngunit kumikilala sa hapon[4] bilang bagong mananakop. At bilang pampalubag-loob ay idineklara ni Prime Minister Hideki Tojo na ibabalik ang kasarinlang hinihiling ng mga Pilipino kung makikipagtulungan na ng lubusan ang mga Pilipino sa mga Hapon.[5] Kabilang din sa polisiyang ito ang pagtatatag ng Bagong Pilipinas o New Philippines.[6] Ang unang hakbang na kinakailangan ay ang paglalatag ng mga pundasyong ispirituwal na siyang sentro ng kultura at siyang tanging sandigan ng politika, ekonomiya, industriya at edukasyon ng bansa.[7]
Upang mapabilis ang pagpapasunod sa mga Pilipino sa mga polisiyang ito, ninais ng mga Hapon na makontrol ang kaisipan ng mga Pilipino at ito’y sa pamamagitan ng pagmanipula sa edukasyon. Ang Ang Administrasyong Pangmilitar ay nag-isyu ng Order No. 2 noong 1942 na naglalayong na baguhin ang edukasyon sa Pilipinas para sa kanilang kapakinabangan.[8] Kasama sa mga kautusang ito ang pagtuturo ng wikang Hapon sa Pilipinas sa pag-asang maaari pang mabura sa isipan ng mga Pilipino ang Ingles.[9] Nais ng mga Hapon na madebelop sa mga Pilipino ang ideyang ang mga Hapon ang siyang makapangyarihang lider sa Asya. Noong panahong iyon ay idineklarang opisyal na wika ang Niponggo kasama ng Tagalog at idinagdag sa mga curriculum sa mga paaralan.[10]
Malaki ang ipinakitang suporta ng mga Hapon sa pagdebelop ng mga Pilipino ng kaisipang maka-Pilipino at maka-Asyano. Nagagawa ng mga kampanya na sumusuporta sa paggamit ng Tagalog bilang pamansang wika. Ang wikang Ingles ay tinanggal bilang opisyal na wika at ang mga aklat o anumang nagpapakita ng suporta sa Amerika ay sinesensor.
Napakalaki rin ng epektong idinulot ng sensurang Hapon sa panitikan sa panahong iyon. Sa sobrang higpit nito ay maraming mga literary periodicals ang napahinto sa paglalathala. Dahil sa pagliit ng bilang ng mga peryodiko ay nagkaroon ng kakulangan sa espasyo para sa mga akdang pampanitikan sa Ingles. Taliwas naman ito sa lubos na pagyabong ng mga akdang pampanitikang Tagalog. Mas lamang ang mga akdang pampanitikan sa Tagalog sapagkat supotado ito ng mga Hapon. Walang puwang sa paglalathala ang mga akdang pampanitikan sa Ingles kung kaya’t maraming mga manunulat sa Ingles ang lumipat sa pagsusulat sa Tagalog para lamang makapagpalathala.
Ipinagbawal ng mga Hapon ang pagpasok ng mga Hollywood movies sa Pilipinas. Tanging mga lumang pelikulang Ingles at Tagalog lamang ang paulit-ulit na ipinapalabas. Nagpalabas din ng mga Pelikulang Hapon. Samantala ang industriya ng pelikula sa panahong iyon ay baldado mula sa paggawa ng mga bagong pelikula. Ang kakulangang ito ng mga pelikula ang nagbigay-daan sa pagyabong ng Dulaang Pilipino. Ang okupasyon ito ng mga Hapon ay nagbunsod sa masiglang panahon ng Tanghalang Pilipino.[11]

II.                Ang Dulaang Pilipino sa Ilalim ng Okupasyon ng mga Hapon

Mayroong dalawang uri ng dula ang nadebelop sa panahong iyon, ang legitimate at illegitimate. Ngunit ito ay batay sa pagtataya ng mga tradisyunal. Ang legitimate plays ay binubuo ng mga dulang susmusunod sa kumbensyon ng pagsulat at pagtatanghal nito samantala sa illegitimate plays naman pabilang ang mga stageshows.[12]
Ang paggamit sa live stageshows bilang entertainment ng Japanese Propaganda Corps, na binubuo ng mga sibilyan na inaatasang manipulahin ang kultura ng mga nasasakupang bansa ng mga Hapon, ay nagging matagumpay lalo na sa pagtagos sa kamalayan ng mga Pilipino. Kasama sa propagandang ito ang pagtatayo ng mga Revue Companies sa bansa sa pangunguna ni Hidemi Kon ng Japanese Propaganda Corps. Kinuha niya ang isang Italian national na si Carpi[13] upang mag-organisa ng isang kompanya na magtatanghal sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pinangalanan itong International Revue Company na binubuo ng iba’t ibang nasyonalidad ng mga artista.
Ang mga artista sa pelikula ay nagbuo rin ng kanilang mga sariling grupo ng revue company at nagsimulang magpalabas sa kalagitnaan ng taong 1942. Noong una ang mga stageshows ay mga musical variety shows lamang na binubuo ng mga kantahan, sayawan at mga dula na itinatanghal sa pagitan ng dalawang pelikulang ipinalalabas. Sa kadahilanang, paulit-ulit na lamang ang mga pelikula ang tanging inaantabayanan na lamang ng mga manonood ay ang mga stageshows. Sa kalaunan ay hiniwalay ang bahaging musikal ng kanilang palabas mula sa mga dula.
Ang mga sumusunod ay ang mga pangalan ng mga revue companies na naitatag sa panahong iyon:
     
Grupo                                 Tagapagtatag/Tagapangulo         Tanghalan
Filipinas Revue                        Joe Climaco                               Life
Sampaguita Revue                   Lou Salvador                             Dalisay
Silos Follies                              Manuel Silos                             Avenue
Philippine Artists League         Lamberto Avellana                   Avenue
Thelma’s Stageshow                                                                     Lyric
United Artists                            Ramon Estrella                         Lyric
Roque Stage Revue                   Roque Family                           Lyric, Capitol
Artists’ Guild Show Company                                                    Palace
Palace Variety Revue                                                                  Palace
Radio Variety Revue Company                                                   Palace
Filipino Players’ Show               Fernando Poe, Sr.                     State
Associated Artists                       Fernando Poe, Sr.                    Capitol
Star Revue Company                  Jose Dayrit                               Line Star
                                                  
Namayagpag ng husto ang mga stageshows,una sapagkat walang ibang kahati ito sa pagbibigayng aliw sa mga manonood sa panahong iyon. Ikalawa, naghahanap ng paraan para makapaglibang at makapagsaya ng kahit papaano ang mga tao sa kabila ng digamaan at pananakop ng mga Hapon sa bansa. Ikatlo, maaaring ipagpalagay na ang mga Pilipibno noon ay binalingan ang stageshow bilang paraan ng pagtakas sa realidad ng buhay--- ang kawalan ng trabaho at pagdarahop sa buhay. Ikaapat, nakahatak din ng husto ng mga manonood ang stageshow sapagkat ang mga nagsisiganap ay ang mga kilalang artista rin sa pelikula.
Ang stageshow ay kombinasyon ng mga pagpapatawa, musika, mga sayaw at dula. Ang mga palabas na ito ay itinanghal sa mga sinehan sa kalakhang Maynila.[14] Isang halimbawa nito ay ang regular na pagpapalabas araw-araw ng mga stageshows sa Metropolitan Theater na tinawag na Straight Vaudville Fantasy.[15]
Ang mga stage shows sa panahong ito ay nagsilbing hanapbuhay para sa mga artista ng tanghalan na nawalan ng hanapbuhay nang lumaganap ang pelikulang Amerikano. Gayundin nagsilbi rin itong pang-aliw sa publiko upang maibsan ang tensyon na kanilang nararamdaman. Dinudumog ang mga stageshow sa panahong ito sapagkat inaaliw nito ang mga taong ligalig sa digmaan. Naging lunsaran din ito ng mga adhikaing pangmakabayan. Sinasabing naglalaman diumano ito ng mga nakatagong mensahe ng panghihikayat sa mga Pilipino upang makiisa sa pinaglalaban ng mga kapwa Pilipinong ayaw sa mga Hapon (HUKBALAHAP) noong panahong iyon.[16] 
Noong 1942 hindi lamang mga vaudeville fantasies ang ipinalalabas, isang halimbawa na rito ang programa ng Metropolitan Theater.[17] Nagkaroon ng  ekspirementasyon sa programa na naglalaro sa dalawang uri ng palabas --- isang oras ng stageshow na hinahalinhinan ng programa ng kundiman at dinagdaga ng muling pagpapalabas ng mga magagandang pelikula tulad ng Ang Maestro o Prinsesa Uduja.
Pagdating sa kasuotan sa mga pagtitipon at iba pang mga okasyon ang kadalasang isinusuot ng mga manonood ay barong tagalog para sa mga lalaki at balintawak (isa itong impormal na katutubong kasuotan para sa mga babae na kadalasang isinusuot kapag may okasyon) naman para sa mga babae. At ang Kimigayo ang pambansang awit ng Hapon ay itinutugtog bago umpisahan ang mga palabas sa tanghalan panahong iyon.[18] Ito’y bilang pagpapaalala sa mga Pilipino sa presensya ng isang bagong mananakop. Kadalasan itong unang piyesang tinutugtog pagkatapos ng opening number at ang standard opening piece sa mga konsyerto, asembleya at iba pang mga pagdiriwang.[19]
Ayon kay Julian C. Balmaseda sa kanyang talumpati noong Setyembre 8, 1943 sa Institute of National Language, napansin ng publiko ang kanilang mga napapanood ng panahong iyon ay hindi dulang matatawag o illegitimate.

“The public presently noticed that what they saw in these showhouses were not real dramas, but their mixedup dialogues taken at random here and there and which were staged withsong hits from old songs of musical films, and also with comical talks that sprang from the imaginatin of Tuging and Puging, Lopito and Lopita and other theatrical clowns. It was also the public who then looked for legitimate stage shows and in order to respond to this demand the Dramatic Philippines was organized at Metropolitan Theater”.[20]

Kung kaya’t bilang tugon sa mga manonood na naghahanap ng mga lehitimong dula nagsimulang magpalabas ang Dramatic Philippines[21] sa pamumuno ni Narciso Pimentel Jr. noong Pebrero 2, 1943 (staging area ng grupo ang Metropolitan Theater). Naipalabas ng grupo ang kauna-unahang mga lehitimong dula ng panahong iyon. Ang dalawang isang yugtong dula ang Sino ba Kayo? na mula sa iskrip ni Julian C. Balmaseda at isinalin sa tagalog ni Fransico Soc Rodrigo at ang Help Wanted ni Domingo Nolasco.[22] Napakainit ng pagtanggap ng mga manonood sa dulang Sino ba Kayo? Kung kaya’t naipalabas ito ng dalawangpu’t walong (28) beses at ang kasamang pelikula lamang nito ang napapalitan.

Mula 1943 hanggang Enero 1944 ay dalawangpung dula ang naipalabas ng Dranmatic Philippines sa Metropolitan Theater bilang stage area. Kabilang sa mga dulang ito ay ang mga sumusunod:

Mga dulang nasa wikang Pilipino ( karamihan ay mula
 sa orihinal sa ingles at isinalin sa Pilipino at iba naman ay orihinal na akda)
·        Paa ng Kuwago – adaptasyon ni Francisco Soc Rodrigo mula sa The Monkey’s Paw ni W.W. Jacobs
·        Sino ba kayo? – isang yugtong dula sa panulat ni Julian Balmaseda sa Ingles at isinalin sa Tagalog ni Francisco Soc Rodrigo sa direksyon ni Narciso Pimentel Jr.
·        Ang Asawa ng Abogado – isang adaptasyon ng orihinal na dula ni F. Liongson sa Espanyol at isinalin sa Tagalog
·        Sa Pula, Sa Puti – isang yugtong dula sa panulat ni Francisco Soc Rodrigo sa Tagalog na orihinal sa Ingles. Sa panahon ng Hapon ito ay itinanghal sa direksyon ni Narciso Pimentel Jr. ng Dramatic Philippines
·        Martir sa Golgota – isinalin at inadapt ni Francisco Soc Rodrigo sa Tagalog mula sa Pasyon sa Ingles ng Ateneo sa panulat ni Rev. Hunter Guthrie at Rev. Joseph A. Mulrey sa Ingles.
·        Ang Kahapong Nagbalik- isinalin at inadapt ni Francisco Soc Rodrigo mula sa orihinal nito sa Espanyol ang El Pasada Que Vuelve ni Francisco Liongson
·        Tia Upeng – salin mula sa Ingles ang Charley’s Aunt
·        Ulilang Tahanan –orihinal sa Ingles ni Wilfrido Ma. Guerrero noong 1940 at isinalin sa Pilipino ni Juan C. Laya. Isinapelikula ng Premiere Productions sa direksyon ni Gerardo de Leon at ipinalabas noong Hunyo 1994 sa Capitol Theater sa pamagat na House For Sale, The Foresaken House. Itinanghal sa Metropolitan Theater noong Enero 1944 sa Tagalog

Taong 1943 katapusan ng Marso, nag-anunsyo ang management ng Metropolitan Theater na hindi na magpapalabas ng mga pelikula sapagkat simula sa araw na iyon ay mga dulang tagalog at Philharmonic Prominade na lamang ang magpupuno ng kanilang mga programa.

III.             Ang Sensura ng mga Dula

Ang lahat ng mga pagtatanghal sa panahong ito ay nasa ilalim  ng sensura ng Japanese Propaganda Corps gaya ng radyo at ng mga publikasyon. Ang mga iskrip ay kinakailangang ipasa muna sa mga kinauukulan at tsaka lamang makakapagsimulang mag-rehearse kapag napahintulutan na aito. At hindi lamang iyon, isang araw bago ang pagtatanghal ay pinapanood pa ito ng mga censors.
                       

Mga Uri ng Dulang Pinahihintulutan[23]
Tradisyunal na dula- hinihikayat ng mga awtoridad na hapon ang mga revue company na bigyang-pokus ang pagpapalabas ng mga tradisyunal na porma ng dula gaya ng sarsuwela o di kaya ng mga dulang may mga katutubong mga tagpuan. Halimbawa ukol sa mga buhay ng mga muslim at iba  mga pangkat-etniko upang lalong maigiit sa mga Pilipino manonood ang pagiging mga Pilipino at Asyano. May mga dula rin na may temang  batay sa mga awit, korido, mga katutubong alamat at mga epiko.
Historikal na dula- pinahihintulutan din ng sensura ang ganitong mga dula na nagpapakita ng pagiging makabayan. May mga dulang  nagtatanghal ng buhay ni Rizal at iba pang mga rebolusyunaryo.
Dula ng Propaganda- Nais ng mga awtoridad na bigyang-diin ang  pagtatanghal ng mga dulang nagtatampok sa mga buhay ng  mga mahihirap lalo na ng mga magsasaka at mga mangingisda.
Dulang nagtatampok ng mga Ordinaryong Tao- Naapakaraming mga dula na nagtatampok ng iba’t ibang mga buhay ng ordinaryong tao sa lungsod. Ang mga tema ay ukol sa mga di-pagkakaunawaan sa pamilya at ang pang-araw-araw na pakikipagsaplaran ng isang tao para lamang mabuhay. Ito ay maaring repleksyon ng kahirapan ng buhay sa panahong iyon. Isang halimbawa dito ay ang dulang satirikong Bigas ay tungkol sa pagkaubos ng bigas na totoong nangyari sa panahong iyon.
Musical Fantasy- itoy mga dulang nagtatapok ng mga tema ng romansa, makukulay na mga kasuotan at mga kapanapanabik na mg pakikipagsapalaran kung kaya’t mas naging popular ang uring ito. Mas epektibo ito sapagkat may pagka-eskapista, na siyang kailangan sa panahon ng digmaan.
Dulang Relihiyoso- isinasaagawa parin sa panahong iyon ang mga dula tuwing semana santa sa lahat ng mga teatro sa kamaynilaan gaya ng senakulo o mga dulang may temang relihiyoso.
Dulang Tagalog at Dulang Salin- karamihan sa mgga dulaang naipalabas ay mga salin sa Tagalog mula sa orihinal nito sa Ingles at mga dulang nasusulat sa orihinal sa Tagalog sapagkat hinihikayat ng mga awtoridad na mga Hapon ang paggamit ng Tagalog bilang pangunahing wika.
Dula sa Ingles- sa simula pa lamang ng okupasyon ng Hapon ay ipinagbawal na ang pagpapalabas ng mga ito ngunit sa kahuli-hulihang taon ng pananakop ay muling naitanghal ang mga dulang nasa wikang Ingles.
Dula sa Espanyol- may mga mangilan-nguilan parin mga Spanish Drama groups ang nagtanghal parin sa mga college auditorium.
Opera at operettas- itinatanghal ito sa Metropolitan Theater. Ito ay pinaunlad upang magkaroon ng sopistikadong panlasa ang mga Pilipino pagdating sa musika.
 Iba pang mga musikal na pagtatanghal- Bukod sa mga opera at operettas ay may iba pang mga espesyal pang mga konsyerto gaya ng May Time Music Festival na itinanghal noong Mayo 30, 1942 sa Saint Theresa’s College Auditorium.







IV. Ang Dalawang Panig ng Pagtingin Ukol sa Dulaang lumaganap sa panahon ng Hapon

A.     Ang Pananaw ng mga Pilipino sa dulaan sa panahong iyon

Mayroong dalawang pangunahing kritisismo ukol sa dulaan sa panahong ito. Una, ito ay walang iba kundi mga pinagtagpi-tagping mga porma ng sining. Ayon kay Manuel Z. Arguilla (isang batikang manunulat na nagtrabaho bilang censor ng mga stageshows sa panahon ng mga Hapon,

As vaudeville,  they are passable. As burlesque,they are useless.
As musical comedies, they are extremely inane. As melodramas,
they are uninteresting. As plays their value is absolutely nil. As
presentations of Filipino life on stage, they are unfaithful
and untrue. They lack vigor, character and seriousness. They
are formless and invertebrate. They do not bare, even
in the slightest degree, the usual earmarks of lasting literature:
beauty of language,sincerity of characterization and versimilitude
of plot[24]

Ang ikalawang kritisismo ay ang mga pagtatanghal sa panahong iyon ay mahihinang uri sapagkat walang banghay, walang lohika o maayos na pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Ayon kay Amadeo R. Dacanay:

Stageshows were generally half-baked improvisatios and
some directions even resorted to buying stories.In addition ,
the actors were mostly had or indifferent, as if they had
 never been introduced to the rudiments of acting.[25]

Ngunit ayon din kay Dacanay bagaman may mga kahinaang tinataglay ang dulaan sa panahong iyon ay may mga grupo pa rin na  nagsisikap para makapagtanghal ng mga lehitimong dula o produksyon gaya ng Dramatic Philippines. Sa kabila  ng pagbabawal ng mga Hapon sa paggamit ng Ingles ay binigyang pokus pa rin ng grupo ang pagsasalin ng mga sa Ingles sa Tagalog.

B.     Ang Pagtingin ng mga Hapon sa Dula

Para sa mga Hapon na nakapanood ng mga musical shows sa panahong iyon ang nagsabing walang sariling tradisyon ng dulaan sa Pilipinas. Sapagkat ang mga musical shows diumano ay mga imitasyon lamang ng kulturang Amerikano.[26] Ganito rin ang palagay ng Chairman ng Department of Information (Dramatic Section) na si Kodama Hidemi na ang isang magandang dula ay magagawa lamang kung may matatag na pambansang kamalayan ang isang bansa at epektibo ito kapag nilalaman nito ang mithiin at paniniwala ng mga mamamayan.

 

The important mission of drama through amusement and in deepening the

Ground of national culture which is conducive to the elevation of the

Standard of life. Therefore it comes as a naturalconclusion that drama

 should exist for the nation and not merely a vulgar and capricious past

time.[27]

  

IV.              Ang Dulaan Bilang Propaganda

A.     Ang Pagtatatag ng Philippine National Theater o PNT

Para magkaroon ng pagbabago sa hindi magandang pagtingin sa dulaan sa panahong iyon at upang mapataas ang lebel nito ay itinatag ng mga artista ng dulaan ang Philippine National Theater, Incorporated (naging PNT sa kalaunan) noong October 14, 1943 sa proklamasyon ng Republika ng Pilipinas. Nakapailalim sa PNT ang Dramatic Philippines, Musical Philippines at Metropolitan Theater.

Ang ilan sa kanilang mga proyekto ay ang pagdadaos ng mga patimpalak sa pagsulat ng iskrip na tumatalakay sa mga paksa ditto sa Pilipinas upang pasiglahin at mapaunlad ang kultura ng bansa sa kabuuan.

Nagpalabas din ang samahang ito ng isang magasin  ang Backstage noong Nobyembre 1943. Nagbibigay ito ng mga pag-uulat ukol sa mga aktibidad sa dulaan at ng mga artista. Ito ay nasa wikang Ingles at may ilang bahagi rin naman na nasa Tagalog. Ang huling isyu ay noong Hulyo 8, 1944 sanhi ng mataas  na singil sa paglilimbag.

Ang PNT ay naging lunsaran para lumaganap ng husto ang teatro bilang propaganda . Isa na rito ang mga pagdadaos ng mga iba’t ibang paligsahan na nagbigay-daan sa maraming produksyon ng mga akdang makabayan. Kabilang dito ang mga awiting Martsa Laurel ni Lucio D. San Pedro; Doon sa Kung Saan Matamis ang Mangga at Kundiman ng Bayan ni Leon T. Ignacio.[28] Isang patunay lamang na ang Metropolitan Theater bilang kanlungan ay may malaking kontribusyon sa propaganda.

B.     Ang Paglaban/Pagtutol sa Dulaan

Sa mga stageshows sa panahong ito ay mga paglaban o pagtutol din na ikinakabit ang mga direktor at aktor sa kanilang mga dayalogo o di kaya’y mga eksena. Isa ito sa kanilang mga paraan na kahit paano ay maisahan nila ang mga Hapon. Isang halimbawa nito ay ang satirical comedy skits nina Tugo at Pugo na ginagawang katatawanan ang mga Hapon.[29]
Ang historikal na dulang Tandang Sora ay may pagpapakita  rin ng pagtutol laban sa mga Hapon. Ang dula ay tungkol sa isang babaeng bayani na lumaban laban sa mga kastila na ang tanging mithiin ay ang lumaya ang bayan. Pianayagan itong itanghal ng board of censors ngunit may ilang torture scenes ang inalis. Narito ang isang paglalarawan sa pagtatanghal ng naturang dula sa direksyon ni Avellana:

Tandang Sora was presented without those scenes, but even
without them, the people quickly grasped the motive of the PAL
 (Philippine Artist League) in presenting this stirring drama.
Close to the end of the play, there was a brief glimpse of the flag
Of the Katipuanan. Since during those early days of the Japanese
Occupation the Filipino Flag was not be exhibited on the pain of
Punishment, it was disconcerting to the Japanese authorities that
 the audience of the Avenue rosesilently at the sight of the Katipunan
 Flag on stage. Although the audience jammed the theater everyday,
Avellana was ordered to replace Tandang Sora with a comedy”.[30] 

Ang teatro sa panahong ito ay nagging isang lunan ng mga taong laban sa mga Hapon. Naging lugar ito kung saan sila nagkakaroon ng malayang  komunikasyon ng patago. Sinasabing 80% ng mga tao sa teatro noong panahong iyon ay kabilang sa anti-Japanaese Underground movement at 15% naman ang nakikipagtulungan lamang.

Sa kabuuan naging matagumpay ang mga artista ng teatro sa panahong ito sapagkat nailarawan nila ng sa kanilang mga pagtatanghal ang mga kondisyong panlipunan sa ilalim ng okupasyon ng mga Hapon. Sa kalaunan ang mga pagtatanghal na ito ay naging propaganda laban sa mga Hapon. Ang mga gawaing ito ng protesta ng pagtatanghal ay parehong kalahok ang mga gumaganap at ang mga manonood.





V.                 Ang Pagsasakonteksto ng Dulang Condemned! Ni Wilfrido Ma. Guerrero


A.     Buod ng Dulang Condemned!

Nagsimula ang dula sa ilang oras na lamang ay bibitayin na si Pablo Gonzales sa salang pagpatay sa isang lalaking nagtangkang gahasain ang kanyang kasintahan na si Cristina. Habang naghihintay ng kanyang oras ng pagbitay ay isa-isang nagdatingan ang mga taong nagging malapit sa kanya. Ang unang bisita niya ay ang paring nagsilbing tagapagpaalala niya sa mga salita ng Diyos sa tuwing nalulungkot siya sa kanyang sinapit at kapag natatakot siya sa tuwing maaalala ang sasapiting pagbitay. Ang ikalawa naman niyang bisita ay ang kanyang kababatang si Andres Gorospe. Naligayahan ng husto si Pablo sa pagbisita niya sapagkat bumabalik muli sa kanya ang alaala ng kanyang kabataan noong bago pa mamatay ang kanyang ama. Sang-ayon kay Andres hindi kayang pumatay ni Pablo sapagkat takot ito sa balisong, lalong hindi sugarol at lasenggo. Ngunit si Pablo mismo ang umamin na nag-iba siya mula nang lumayas siya sa kanyang Tia Chedeng noong maglalabing-apat na taon siya noon. Sa kanilang usapan naisalaysay ni Pablo ang nangyari sa kanya nang mamatay ang kanyang ama. Nang mamatay ang kanyang ama, iniwan siya ng kanyang ina na si Angela sa kanyang Tia Chedeng at nagumon sa pagsusugal at sumama sa isang Marcos Nable. Sa pananaw ni Pablo ang ina niya ang puno’t dulo ng kanyang kasawian sa buhay. Para sa kanya ay hindi siya mabibitay kung hindi siya napariwara dahil sa paglalayasa at hindi siya maglalayas kung may inang magbibigay sa kanya ng pag-aaruga at pagmamalasakit. Ang ina niya ang kanyang sinisisi sa lahat ng mga nangyari sa buhay niya. Ang ikatlo niyang bisita ay si Simeon Sereno na nagging barkada niya sa lahat ng kalokohan. Para kay Pablo si Simon ang naglapit sa kanya sa kasamaan. Kung kaya’t galit siya noong una at hindi niya pinapasok ngunit wala rin nagawa si Pablo nang magpumilit na pumasok si Simeon sa kinaroroonang piitan ni Pablo. Nais na Makita ni Simeon si Pablo kahit sa huling pagkakataon para humingi ng tawad sa lahat ng mga bagay na nagawa niyang nakasama kay Pablo. Ang ikaapat na bisita naman ay ang kanyang Tia Chedeng na walang tigil sa paggabay sa kanya. Kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon ay pinatunayan nito ang pagmamalasakit sa pag-abot nito sa kanya ng isang kuwintas na may krusipiho. At kinukulit siya nitong mangumpisal upang mahugasan ang lahat ng kanyang mga pagkakasala sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran sa Panginoon. Ang ikalimang bisita ay si Cristina na nagnanais na siya ay pakasalan ni Pablo kahit sa huling pagkakataon. Ngunit nagdadalawang-isip si Pablo sapagkat ayaw niyang masira ang kinabukasan ni Cristina st maging balo kaagad ng isang mamamatay tao. Pero mag-iiba ang desisyon ni Pablo sa huli. Sa muling pagdating ng pari ay hihilingin ni Pablo na ikasal sila ng pari sa halip na mangumpisal siya. Nakasal ang dalawa, ilang minuto na lamang ang nalalabi bago ang takdanmg oras ng pagbitay nang biglang dumating ang kanyang ina. Ang kanyang huling bisita ay ang ina niyang si Angela ang konprontasyon ng dalawa ay nagbigay-daan sa paglilinaw ng isang masalimuot na nakaraan. Ang lahat ng mga hinanakit ni Pablo sa ina ay dinaan sa mga sumbat. Pinagtapat ng kanyang ina ang buong katotohanan sa likod ng mga masalimuot na pangyayari at kahit huli na ang lahat ay nakuha na rin ni Pablong patawarin ang kanyang ina bago pa man siya mamatay.

B.     Ang Teorya ni Eagleton bilang framework sa Pagsusuri ng dulang Condemned!

Ang gagamiting framework sa pagsasakonteksto ng dulang Condemned! Ni Wilfrido Ma. Guerrero ay ang teorya ni Terry Eagleton.[31] Gaya ng mga historical at biograpikal na mga kritiko, ang mga Marxista ay interesado din sa sosyolohikal na konteksto ng panitikan (sociological context of Literature). Para sa mga Marxista ang tekstong pampanitikan (literary text) ay produkto ng kasaysayan. At ang kasaysayan ay siyang nagdedetermina ng panglipunan at pang-ekonomiyang sitwasyon ng isang bansa na may malaking impluwensya naman sa literature na siya rin na makikita/papaimbulog sa mga akdang pampanitikan. Ngunit ang isang Marxistang kritiko ay mas interesado sa pagkatas ng mga themes of interests sa mga social historians.[32]

Ngunit hindi rin lamang mga repleksyon ng panlipunan at  pang-ekonomiyang kondisyon ang literature kundi bahagi rin ito ng isang buong sistema ng mga panlipunang ugnayan at moda ng produksyon na nag-emerge sa pagdaloy ng kasaysayan.

Sa sanaysay ni Terry Eagleton sa Literature and History ipinaliwanag niya na ang literature ay bahagi ng isang power structure  o ng isang struktura ng kapangyarihan ng kasaysayan. At ang susi sa pag-unawa sa panitikan ay ang magkaroon ng rebolusyunaryong pag-unawa hinggil sa kasaysayan mismo.[33] At para maunawaan naman ang kasaysayan ay binalangkas ni Eagleton ang mga ugnayan ng mga pangunahing bahagi ng kasaysayang panlipunan (relationship of the components of social history) mula sa perspektibang Marxista ang 1) base at superstructure,2) literature at superstructure,at 3) literature at ideology.

Kung tataluntunin ang ganitong pagbasa maaaring sabihin na ang Condemned! Bilang isang akdang pampanitikan na nalikha sa panahon ng okupasyon ng Hapon ay produktong iniluwal mismo ng panitikang nagsasalamin ng mga panglipunan at pang-ekonomiyang kondisyon sa panahong iyon.

Nagsimula sa pagtalakay si Eagleton sa ugnayan ng lipunan at ng superstructure ng lipunan sa pag-aaral ni Karl Marx at Frederick Engels na Consciousness does not determine life: life determines consciousness.[34] Sa madaling salita, ang panlipunang kalagayan ng isang tao ay makikita o madedetermina sa kung paano siya kumikilos, kung paano mag-isip at paano niya ituring ang sarili. Ang mga ugnayang panlipunan ng mga tao ay nadedetermina sa pamamagitan ng kanilang mga material na pangangailangan (material necessity).[35] Sa paglipas ng panahon ang dibisyon sa paggawa sa isang lipunan (mode of production) ay nagbabago.[36]

Sa puntong ito maaaring sabihin na ang isang awtor bilang bahagi ng isang institusyong panlipunan o superstructure ay may kapasidad na ilarawan ang kairalang panlipunan ng panahon na kanyang kinabibilangan. At ang akdang pampanitikan na kanyang iniluwal na sumasalamin sa panglipunan at pang-ekonomiyang kalagayan ng kanyang bansa ay maaaring magdetermina ng posisyon ng manunulat sa lipunan. Sa kaso ng dulang Condemned! Makikita  ang isang depektibong paglalarawan sa buhay ng isang ordinaryong tao. Mapapansin na hindi gagap ni Wilfrido Ma. Guerrero ang kilos, ugali at gawi ng masa tulad ng kanyang nais na talakayin sa karakter ni Pablo Gonzales sapagkat mas gamay niya ang pagtalakay sa middle-class sapagkat siya’y pabilang sa antas na ito. Ang mga katangiang tinataglay ng tauhang si Pablo Gonzales ay ang persepsyon ni Wilfrido Ma. Guerrero  ng isang indibiduwal na mula sa mababang antas ng lipunan. Makikita ito sa mariin niyang pag-giit sa dula ng kahalagahan ng edukasyon sa isang tao, ang pagiging intelektuwal ay isa lamang sa mga determinant factor  ng isang middle class. Isa pang salik na tinutukoy ni Guerrero ay ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at relihiyoso na sinasabing wala sa isang di-aral sapagkat padalos-dalos sa mga kilos at gawi at lalong walang takot sa Diyos.

Ang dulang Condemned! Ay nasa orihinal sa Ingles ngunit dahil sa panahong iyon ng pananakop ng mga Hapon, para maitanghal ay isinalin muna ang iskrip sa Tagalog bilang Salarin! Noong 27 Nobyembre 1943 sa Capitol theater sa direksyon ni Fernando Poe Sr. Isinagawa ito sa kadahilanang pinagabawal nang mga Hapon ang paggamit ng Ingles bilang wika sa mga performance text o teksto sa pagtatanghal. Ngunit kapansin-pansin ang pagiging eskapista ng tema ng dula sa kadahilanang wala itong pagtalakay sa realidad --- sa tensyon o pakikibaka ng mga Pilipino sa mga mananakop na Hapon.




VII.                 Ang Bibliyograpiya


1)             Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.127-136.

2)             Buenaventura, Cristina-Laconico. The Theater in Manila (1846-1946). Manila: De la Salle University Press, 1994.

3)         Julian C. Balmaseda, “Philippine Drama”, papel na nasusulat sa orihinal sa Pilipino at binasa sa Institute of National Language, noong 8 Setyembre, 1943.

4)         Tiongson, Nicanor G.ed. Philippine Theater. Vol.7 of CCP Encyclopedia of Philippine Arts. 10 vol. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.

5)         Eagleton, Terry. “Literature and History”. Marxism and Literary Criticism. University of  California Press, 1976. 1-19.  Report in  Contexts for Criticism. Ed. Donald Keesey. 3rd. ed. Mountain View, CA: Mayfield, 1998.





[1] Ang mga patunay ng panggagahasang ito ay ang mga salaysay ng mga comfot women sa panahong iyon. Ang mga kaugnay na babasahin para ditto ay ang salaysay ni Nana Rosa, na inilantad ang kanyang karanasan sa publiko.
[2] Kabilang sa mga strategic raw materials na ito ay ang mga minerals, ores abaca at mga agricultural produce gaya ng lumber---ang lahat ng ito ay kinakailangan sa pagpapalakas ng kanilang depensa.
[3] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.11.
[4] Ang nagbibigay ng lahat ng mga pag-uutos ay ang Japanese Military Administration.
[5] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.12.

[6] Naglatag ng mga hakbang tungo sa pagtatatag ng isang Bagong Pilipinas ang commander-in-chief ng Japanese Military Forces ditto sa Pilipinas, si Lt. General Masaharu Homma na sa tingin niya ay makatutulong sa pagkakaisa ng  mga Hapon at Pilipino.
[7] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.12.

[8] Ibid.
[9] Isa lamang ito sa mga polisiya upang magkaroon ng kabuuang ideya, maaaring tignan ang aklat na “Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining).
[10] Hindi lamang sa mga paaralan itinuro ang Niponggo maging sa mga pribado at pampublikong mga opisina ay mayroon din mga special classes. Naglaan din ng mga special Niponggo section sa mga diyaryo. Pinalitan din ang mga pangalan ng mga kalsada, tulay at mga plasa gaya ng Dewey Boulevard na pinangalanang Heiwa Boulevard; ang Jones Bridge ay tinawag na  Banzai Bridge;at ang Taft Avenue ay tinawag namang Daitoa Avenue at iba pa. Marami rin mga lektyur tungkol sa kulturang Hapon na maririnig sa mga radyo at mga artikulo na nalalathala sa mgfa diyaryo at magasin.
[11] Tanghalang Pilipino ang ginamit ko ditto katumbas ng Filipino Stage Ito ay batay lamang sa sariling pagtataya sa paggamit ng angkop na salita at kung paano ko ito naunawaan.
[12] Tinawag na illegitimate stage ng mga tradisyunal. Noong dumating ang mga Amerikano ang tinawag ditto ay bodabil mula sa vaudeville ng Amerika ngunit ng lumaon ay nagging stageshow sa panahon ng Hapon.
[13] Si Carpi ay isang Italian national na may sariling tropa na naglilibot sa Asya para magtangal ay na-stranded sa Pilipinas gawa ng digmaan. Ikinulong siya ng mga oisyales na Amerikano bilang kalaban ng bansa ngunit sa panahon ng Hapon ay pinalaya siya at inatasan na mag-organisa ng isang revue company. Naalala kasi ni Hidemi Kon ang palabas nina Carpi sa Japan noong 1930’s.
[14] Julian C. Balmaseda, “Philippine Drama”, papel na nasusulat sa orihinal sa Pilipino at binasa sa Institute of National Language, noong 8 Setyembre, 1943.p.317.
[15] Mayroon itong dalawang show araw-araw. Ang unang show ay nagsisimula ng alas-2 ng hapon at ang ikalawa naman ay alas-4 ng hapon. Ang mga vaudeville fantasies na naipalabas noong 1942 sa Metropolitan theater ay ang mga sumusunod:
Tango Fantasy, Oriental Stories, Rancho Grande, Toy House, Hawaiian Charms, Lady of the Fan, Guard of the Queen, Babes in Joyland, Cuban Rhythms, Siamese Fantasy, Cuban Fantasy, Pearl of the Orient, Argentine Nights, Gypsy Melodies at Pharaoh’s Dream. Ang mga ito’y itinanghal upang mapunan ang kawalan ng pelikula ngunit ng lumaon ay naging maunlad.
[16] Tiongson, Nicanor G.ed. Philippine Theater. Vol.7 of CCP Encyclopedia of Philippine Arts. 10 vol. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
[17] Ang pagkakaroon ng bagong management nito ay nagdulot ng malaking pagbabago sa mga palabas nito.
[18] Buenaventura, Cristina-Laconico. The Theater in Manila (1846-1946). Manila: De la Salle University Press, 1994. 148.
[19] Ibid.
[20] Julian C. Balmaseda, “Philippine Drama”, papel na nasusulat sa orihinal sa Pilipino at binasa sa Institute of National Language, noong 8 Setyembre, 1943.p.318.
[21] Ibid.
[22]Ang mga manonood ng araw na iyon ay nakaranas ng isang hitik na hitik na araw ng lingo sapagkat bukod na sa dalawang dula ay sinundan pa ito ng isang pelikula ng Hollywood ang Backstreet at ang isa pang oras ng programa ng light classics ng Philharmonic Promenade. Ang ticket ay nagkakahalaga ng 30 centavos para sa balcony seats, 60 centavos para sa orkestra at 1.00 php para sa loge seats.

[23] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.127-136.

[24] Ibid.
[25] Ibid
[26] Ibid.
[27] Ibid.
[28] Ang pagtatanghal ng mga awiting nagwagi sa patimpalak ay pinamunuan ng PNT sa Metropolitan Theater noong 30 Nobyembre 1943. Sa naturang okasyon ay nagbasa ng tula si Amado V. Hernandez na may pamagat na Ang mga Naglamay sa Dilim ng Gabi. Sinundan ng pagtatanghal ng romantikong dula, ang Bayan Ko na tungkol sa pakikibaka ng mga Pilipino laban sa Espanya para sa kalayaan.
[29] Ginawang katatawanan ang mga Hapon sa pamamagitan ng pagpuno sa braso ng mga relo at ito ay sa direksyon ni Climaco na nagdulot ng kanyang pagkakakulong sa loob ng 31 araw sa Fort Santiago.
[30] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.127-136.

[31] Eagleton, Terry. “Literature and History”. Marxism and Literary Criticism. University of  California Press, 1976. 1-19.  Report in  Contexts for Criticism. Ed. Donald Keesey. 3rd. ed. Mountain View, CA: Mayfield, 1998. 460-67.
[32] Ibid. p. 461.
[33] Ibid.
[34] Ibid.
[35] Ibid.p. 462.
[36] Ibid.