Analog Clock

Saturday, August 27, 2011

Ang Dulang Pilipino sa Panahon ng Okupasyon ng mga Hapon (1942-1945)


Ni Cristina R. Rocas

Stud. No. 97-28869

MA Filipino (Panitikan)
PP 261
Pasulat na Ulat





I.                   Kaligirang Panlipunan ng Pilipinas sa Panahon ng Okupasyon ng mga Hapon

                                               
Sa pagdating ng mga Hapones sa ating bansa, dala nila ang kanilang propaganda na ang mga hapon ay dumating sa Pilipinas bilang kapatid na siyang magpapalaya sa mga Pilipino. Ngunit taliwas ang propagandang kanilang pinangangalandakan sapagkat laganap noon ang pagmamaltratong inabot ng mga Pilipino sa kamay ng mga hapon. Pinatunayan ito ng mga salaysay ng mga dumanas ng karahasan--- pagmamaltrato, pambubugbog, pagpatay ng mga kaanak at panggagahasa.[1]
Mayroong pinaniniwalaang tatlong pangunahing dahilan para sakupin ng mga Hapones ang Pilipinas. Una, para maprotektahan ang imperyo ng mga hapon mula sa mga US military bases. Kinailangan nilang pigilin ito sa pamamgitan ng pagsakop sa Pilipinas na lumalabas na isang teritoryo ng Amerika sa panahong iyon. Ikalawa, ang Pilipinas ay nasa tugmang posisyon sa Timog-Silangang Asya na kinakailangan ng mga Hapon sa kanilang pag-abante sa katimugan. Makakatulong din ng malaki ito sa pagprotekta ng kanilang mga supply lines at para palakasin ang depensa ng hukbong hapon. At ikatlo, sa Pilipinas matatgpuan ang mga hilaw na materyales na kailangan ng bansang hapon para sa digmaan.[2] Ang lahat ng ito ay para sa itatagauyod ng depensang pangmilitar ng mga haon at siyang kumukontrol sa pamamahala ng Pilipinas.[3]
Ninais din ng mga hapon na makuha ang respeto nga Pilipino gaya ng respetong binigay ng mga ito sa mga Amerikano. Ngunit nahirapan silang makuha ang simpatya ng mga Pilipino. Sinasabing gawa ng mahabang panahon ng pagkababad sa kulturang kanluranin ang mga Pilipino ay nakalimot na sa kanyang pagiging Asyano. Gayundin, ang pagiging highly literate ng mga Pilipino ay nagsilbing sagabal sa pagsakop ng hindi lamang bansa gayundin ng kamalayan ng mga Pilipino. Ang problemang ito ang nagbunsod sa pagkabuo ng isang cultural policy sa panahon ng pananakop ng Japanese Invasion Army.
Nakapaloob sa cultural policy na ito ang paglalatag ng mga programa na makakatulong sa ikabubuti ng pagsasamahang Pilipino-Hapon. Kabilang sa mga polisiyang ito ang pagpapatuloy ng pamahahala ng mga Pilipino ng sariling gobyerno ngunit kumikilala sa hapon[4] bilang bagong mananakop. At bilang pampalubag-loob ay idineklara ni Prime Minister Hideki Tojo na ibabalik ang kasarinlang hinihiling ng mga Pilipino kung makikipagtulungan na ng lubusan ang mga Pilipino sa mga Hapon.[5] Kabilang din sa polisiyang ito ang pagtatatag ng Bagong Pilipinas o New Philippines.[6] Ang unang hakbang na kinakailangan ay ang paglalatag ng mga pundasyong ispirituwal na siyang sentro ng kultura at siyang tanging sandigan ng politika, ekonomiya, industriya at edukasyon ng bansa.[7]
Upang mapabilis ang pagpapasunod sa mga Pilipino sa mga polisiyang ito, ninais ng mga Hapon na makontrol ang kaisipan ng mga Pilipino at ito’y sa pamamagitan ng pagmanipula sa edukasyon. Ang Ang Administrasyong Pangmilitar ay nag-isyu ng Order No. 2 noong 1942 na naglalayong na baguhin ang edukasyon sa Pilipinas para sa kanilang kapakinabangan.[8] Kasama sa mga kautusang ito ang pagtuturo ng wikang Hapon sa Pilipinas sa pag-asang maaari pang mabura sa isipan ng mga Pilipino ang Ingles.[9] Nais ng mga Hapon na madebelop sa mga Pilipino ang ideyang ang mga Hapon ang siyang makapangyarihang lider sa Asya. Noong panahong iyon ay idineklarang opisyal na wika ang Niponggo kasama ng Tagalog at idinagdag sa mga curriculum sa mga paaralan.[10]
Malaki ang ipinakitang suporta ng mga Hapon sa pagdebelop ng mga Pilipino ng kaisipang maka-Pilipino at maka-Asyano. Nagagawa ng mga kampanya na sumusuporta sa paggamit ng Tagalog bilang pamansang wika. Ang wikang Ingles ay tinanggal bilang opisyal na wika at ang mga aklat o anumang nagpapakita ng suporta sa Amerika ay sinesensor.
Napakalaki rin ng epektong idinulot ng sensurang Hapon sa panitikan sa panahong iyon. Sa sobrang higpit nito ay maraming mga literary periodicals ang napahinto sa paglalathala. Dahil sa pagliit ng bilang ng mga peryodiko ay nagkaroon ng kakulangan sa espasyo para sa mga akdang pampanitikan sa Ingles. Taliwas naman ito sa lubos na pagyabong ng mga akdang pampanitikang Tagalog. Mas lamang ang mga akdang pampanitikan sa Tagalog sapagkat supotado ito ng mga Hapon. Walang puwang sa paglalathala ang mga akdang pampanitikan sa Ingles kung kaya’t maraming mga manunulat sa Ingles ang lumipat sa pagsusulat sa Tagalog para lamang makapagpalathala.
Ipinagbawal ng mga Hapon ang pagpasok ng mga Hollywood movies sa Pilipinas. Tanging mga lumang pelikulang Ingles at Tagalog lamang ang paulit-ulit na ipinapalabas. Nagpalabas din ng mga Pelikulang Hapon. Samantala ang industriya ng pelikula sa panahong iyon ay baldado mula sa paggawa ng mga bagong pelikula. Ang kakulangang ito ng mga pelikula ang nagbigay-daan sa pagyabong ng Dulaang Pilipino. Ang okupasyon ito ng mga Hapon ay nagbunsod sa masiglang panahon ng Tanghalang Pilipino.[11]

II.                Ang Dulaang Pilipino sa Ilalim ng Okupasyon ng mga Hapon

Mayroong dalawang uri ng dula ang nadebelop sa panahong iyon, ang legitimate at illegitimate. Ngunit ito ay batay sa pagtataya ng mga tradisyunal. Ang legitimate plays ay binubuo ng mga dulang susmusunod sa kumbensyon ng pagsulat at pagtatanghal nito samantala sa illegitimate plays naman pabilang ang mga stageshows.[12]
Ang paggamit sa live stageshows bilang entertainment ng Japanese Propaganda Corps, na binubuo ng mga sibilyan na inaatasang manipulahin ang kultura ng mga nasasakupang bansa ng mga Hapon, ay nagging matagumpay lalo na sa pagtagos sa kamalayan ng mga Pilipino. Kasama sa propagandang ito ang pagtatayo ng mga Revue Companies sa bansa sa pangunguna ni Hidemi Kon ng Japanese Propaganda Corps. Kinuha niya ang isang Italian national na si Carpi[13] upang mag-organisa ng isang kompanya na magtatanghal sa iba’t ibang bahagi ng bansa at pinangalanan itong International Revue Company na binubuo ng iba’t ibang nasyonalidad ng mga artista.
Ang mga artista sa pelikula ay nagbuo rin ng kanilang mga sariling grupo ng revue company at nagsimulang magpalabas sa kalagitnaan ng taong 1942. Noong una ang mga stageshows ay mga musical variety shows lamang na binubuo ng mga kantahan, sayawan at mga dula na itinatanghal sa pagitan ng dalawang pelikulang ipinalalabas. Sa kadahilanang, paulit-ulit na lamang ang mga pelikula ang tanging inaantabayanan na lamang ng mga manonood ay ang mga stageshows. Sa kalaunan ay hiniwalay ang bahaging musikal ng kanilang palabas mula sa mga dula.
Ang mga sumusunod ay ang mga pangalan ng mga revue companies na naitatag sa panahong iyon:
     
Grupo                                 Tagapagtatag/Tagapangulo         Tanghalan
Filipinas Revue                        Joe Climaco                               Life
Sampaguita Revue                   Lou Salvador                             Dalisay
Silos Follies                              Manuel Silos                             Avenue
Philippine Artists League         Lamberto Avellana                   Avenue
Thelma’s Stageshow                                                                     Lyric
United Artists                            Ramon Estrella                         Lyric
Roque Stage Revue                   Roque Family                           Lyric, Capitol
Artists’ Guild Show Company                                                    Palace
Palace Variety Revue                                                                  Palace
Radio Variety Revue Company                                                   Palace
Filipino Players’ Show               Fernando Poe, Sr.                     State
Associated Artists                       Fernando Poe, Sr.                    Capitol
Star Revue Company                  Jose Dayrit                               Line Star
                                                  
Namayagpag ng husto ang mga stageshows,una sapagkat walang ibang kahati ito sa pagbibigayng aliw sa mga manonood sa panahong iyon. Ikalawa, naghahanap ng paraan para makapaglibang at makapagsaya ng kahit papaano ang mga tao sa kabila ng digamaan at pananakop ng mga Hapon sa bansa. Ikatlo, maaaring ipagpalagay na ang mga Pilipibno noon ay binalingan ang stageshow bilang paraan ng pagtakas sa realidad ng buhay--- ang kawalan ng trabaho at pagdarahop sa buhay. Ikaapat, nakahatak din ng husto ng mga manonood ang stageshow sapagkat ang mga nagsisiganap ay ang mga kilalang artista rin sa pelikula.
Ang stageshow ay kombinasyon ng mga pagpapatawa, musika, mga sayaw at dula. Ang mga palabas na ito ay itinanghal sa mga sinehan sa kalakhang Maynila.[14] Isang halimbawa nito ay ang regular na pagpapalabas araw-araw ng mga stageshows sa Metropolitan Theater na tinawag na Straight Vaudville Fantasy.[15]
Ang mga stage shows sa panahong ito ay nagsilbing hanapbuhay para sa mga artista ng tanghalan na nawalan ng hanapbuhay nang lumaganap ang pelikulang Amerikano. Gayundin nagsilbi rin itong pang-aliw sa publiko upang maibsan ang tensyon na kanilang nararamdaman. Dinudumog ang mga stageshow sa panahong ito sapagkat inaaliw nito ang mga taong ligalig sa digmaan. Naging lunsaran din ito ng mga adhikaing pangmakabayan. Sinasabing naglalaman diumano ito ng mga nakatagong mensahe ng panghihikayat sa mga Pilipino upang makiisa sa pinaglalaban ng mga kapwa Pilipinong ayaw sa mga Hapon (HUKBALAHAP) noong panahong iyon.[16] 
Noong 1942 hindi lamang mga vaudeville fantasies ang ipinalalabas, isang halimbawa na rito ang programa ng Metropolitan Theater.[17] Nagkaroon ng  ekspirementasyon sa programa na naglalaro sa dalawang uri ng palabas --- isang oras ng stageshow na hinahalinhinan ng programa ng kundiman at dinagdaga ng muling pagpapalabas ng mga magagandang pelikula tulad ng Ang Maestro o Prinsesa Uduja.
Pagdating sa kasuotan sa mga pagtitipon at iba pang mga okasyon ang kadalasang isinusuot ng mga manonood ay barong tagalog para sa mga lalaki at balintawak (isa itong impormal na katutubong kasuotan para sa mga babae na kadalasang isinusuot kapag may okasyon) naman para sa mga babae. At ang Kimigayo ang pambansang awit ng Hapon ay itinutugtog bago umpisahan ang mga palabas sa tanghalan panahong iyon.[18] Ito’y bilang pagpapaalala sa mga Pilipino sa presensya ng isang bagong mananakop. Kadalasan itong unang piyesang tinutugtog pagkatapos ng opening number at ang standard opening piece sa mga konsyerto, asembleya at iba pang mga pagdiriwang.[19]
Ayon kay Julian C. Balmaseda sa kanyang talumpati noong Setyembre 8, 1943 sa Institute of National Language, napansin ng publiko ang kanilang mga napapanood ng panahong iyon ay hindi dulang matatawag o illegitimate.

“The public presently noticed that what they saw in these showhouses were not real dramas, but their mixedup dialogues taken at random here and there and which were staged withsong hits from old songs of musical films, and also with comical talks that sprang from the imaginatin of Tuging and Puging, Lopito and Lopita and other theatrical clowns. It was also the public who then looked for legitimate stage shows and in order to respond to this demand the Dramatic Philippines was organized at Metropolitan Theater”.[20]

Kung kaya’t bilang tugon sa mga manonood na naghahanap ng mga lehitimong dula nagsimulang magpalabas ang Dramatic Philippines[21] sa pamumuno ni Narciso Pimentel Jr. noong Pebrero 2, 1943 (staging area ng grupo ang Metropolitan Theater). Naipalabas ng grupo ang kauna-unahang mga lehitimong dula ng panahong iyon. Ang dalawang isang yugtong dula ang Sino ba Kayo? na mula sa iskrip ni Julian C. Balmaseda at isinalin sa tagalog ni Fransico Soc Rodrigo at ang Help Wanted ni Domingo Nolasco.[22] Napakainit ng pagtanggap ng mga manonood sa dulang Sino ba Kayo? Kung kaya’t naipalabas ito ng dalawangpu’t walong (28) beses at ang kasamang pelikula lamang nito ang napapalitan.

Mula 1943 hanggang Enero 1944 ay dalawangpung dula ang naipalabas ng Dranmatic Philippines sa Metropolitan Theater bilang stage area. Kabilang sa mga dulang ito ay ang mga sumusunod:

Mga dulang nasa wikang Pilipino ( karamihan ay mula
 sa orihinal sa ingles at isinalin sa Pilipino at iba naman ay orihinal na akda)
·        Paa ng Kuwago – adaptasyon ni Francisco Soc Rodrigo mula sa The Monkey’s Paw ni W.W. Jacobs
·        Sino ba kayo? – isang yugtong dula sa panulat ni Julian Balmaseda sa Ingles at isinalin sa Tagalog ni Francisco Soc Rodrigo sa direksyon ni Narciso Pimentel Jr.
·        Ang Asawa ng Abogado – isang adaptasyon ng orihinal na dula ni F. Liongson sa Espanyol at isinalin sa Tagalog
·        Sa Pula, Sa Puti – isang yugtong dula sa panulat ni Francisco Soc Rodrigo sa Tagalog na orihinal sa Ingles. Sa panahon ng Hapon ito ay itinanghal sa direksyon ni Narciso Pimentel Jr. ng Dramatic Philippines
·        Martir sa Golgota – isinalin at inadapt ni Francisco Soc Rodrigo sa Tagalog mula sa Pasyon sa Ingles ng Ateneo sa panulat ni Rev. Hunter Guthrie at Rev. Joseph A. Mulrey sa Ingles.
·        Ang Kahapong Nagbalik- isinalin at inadapt ni Francisco Soc Rodrigo mula sa orihinal nito sa Espanyol ang El Pasada Que Vuelve ni Francisco Liongson
·        Tia Upeng – salin mula sa Ingles ang Charley’s Aunt
·        Ulilang Tahanan –orihinal sa Ingles ni Wilfrido Ma. Guerrero noong 1940 at isinalin sa Pilipino ni Juan C. Laya. Isinapelikula ng Premiere Productions sa direksyon ni Gerardo de Leon at ipinalabas noong Hunyo 1994 sa Capitol Theater sa pamagat na House For Sale, The Foresaken House. Itinanghal sa Metropolitan Theater noong Enero 1944 sa Tagalog

Taong 1943 katapusan ng Marso, nag-anunsyo ang management ng Metropolitan Theater na hindi na magpapalabas ng mga pelikula sapagkat simula sa araw na iyon ay mga dulang tagalog at Philharmonic Prominade na lamang ang magpupuno ng kanilang mga programa.

III.             Ang Sensura ng mga Dula

Ang lahat ng mga pagtatanghal sa panahong ito ay nasa ilalim  ng sensura ng Japanese Propaganda Corps gaya ng radyo at ng mga publikasyon. Ang mga iskrip ay kinakailangang ipasa muna sa mga kinauukulan at tsaka lamang makakapagsimulang mag-rehearse kapag napahintulutan na aito. At hindi lamang iyon, isang araw bago ang pagtatanghal ay pinapanood pa ito ng mga censors.
                       

Mga Uri ng Dulang Pinahihintulutan[23]
Tradisyunal na dula- hinihikayat ng mga awtoridad na hapon ang mga revue company na bigyang-pokus ang pagpapalabas ng mga tradisyunal na porma ng dula gaya ng sarsuwela o di kaya ng mga dulang may mga katutubong mga tagpuan. Halimbawa ukol sa mga buhay ng mga muslim at iba  mga pangkat-etniko upang lalong maigiit sa mga Pilipino manonood ang pagiging mga Pilipino at Asyano. May mga dula rin na may temang  batay sa mga awit, korido, mga katutubong alamat at mga epiko.
Historikal na dula- pinahihintulutan din ng sensura ang ganitong mga dula na nagpapakita ng pagiging makabayan. May mga dulang  nagtatanghal ng buhay ni Rizal at iba pang mga rebolusyunaryo.
Dula ng Propaganda- Nais ng mga awtoridad na bigyang-diin ang  pagtatanghal ng mga dulang nagtatampok sa mga buhay ng  mga mahihirap lalo na ng mga magsasaka at mga mangingisda.
Dulang nagtatampok ng mga Ordinaryong Tao- Naapakaraming mga dula na nagtatampok ng iba’t ibang mga buhay ng ordinaryong tao sa lungsod. Ang mga tema ay ukol sa mga di-pagkakaunawaan sa pamilya at ang pang-araw-araw na pakikipagsaplaran ng isang tao para lamang mabuhay. Ito ay maaring repleksyon ng kahirapan ng buhay sa panahong iyon. Isang halimbawa dito ay ang dulang satirikong Bigas ay tungkol sa pagkaubos ng bigas na totoong nangyari sa panahong iyon.
Musical Fantasy- itoy mga dulang nagtatapok ng mga tema ng romansa, makukulay na mga kasuotan at mga kapanapanabik na mg pakikipagsapalaran kung kaya’t mas naging popular ang uring ito. Mas epektibo ito sapagkat may pagka-eskapista, na siyang kailangan sa panahon ng digmaan.
Dulang Relihiyoso- isinasaagawa parin sa panahong iyon ang mga dula tuwing semana santa sa lahat ng mga teatro sa kamaynilaan gaya ng senakulo o mga dulang may temang relihiyoso.
Dulang Tagalog at Dulang Salin- karamihan sa mgga dulaang naipalabas ay mga salin sa Tagalog mula sa orihinal nito sa Ingles at mga dulang nasusulat sa orihinal sa Tagalog sapagkat hinihikayat ng mga awtoridad na mga Hapon ang paggamit ng Tagalog bilang pangunahing wika.
Dula sa Ingles- sa simula pa lamang ng okupasyon ng Hapon ay ipinagbawal na ang pagpapalabas ng mga ito ngunit sa kahuli-hulihang taon ng pananakop ay muling naitanghal ang mga dulang nasa wikang Ingles.
Dula sa Espanyol- may mga mangilan-nguilan parin mga Spanish Drama groups ang nagtanghal parin sa mga college auditorium.
Opera at operettas- itinatanghal ito sa Metropolitan Theater. Ito ay pinaunlad upang magkaroon ng sopistikadong panlasa ang mga Pilipino pagdating sa musika.
 Iba pang mga musikal na pagtatanghal- Bukod sa mga opera at operettas ay may iba pang mga espesyal pang mga konsyerto gaya ng May Time Music Festival na itinanghal noong Mayo 30, 1942 sa Saint Theresa’s College Auditorium.







IV. Ang Dalawang Panig ng Pagtingin Ukol sa Dulaang lumaganap sa panahon ng Hapon

A.     Ang Pananaw ng mga Pilipino sa dulaan sa panahong iyon

Mayroong dalawang pangunahing kritisismo ukol sa dulaan sa panahong ito. Una, ito ay walang iba kundi mga pinagtagpi-tagping mga porma ng sining. Ayon kay Manuel Z. Arguilla (isang batikang manunulat na nagtrabaho bilang censor ng mga stageshows sa panahon ng mga Hapon,

As vaudeville,  they are passable. As burlesque,they are useless.
As musical comedies, they are extremely inane. As melodramas,
they are uninteresting. As plays their value is absolutely nil. As
presentations of Filipino life on stage, they are unfaithful
and untrue. They lack vigor, character and seriousness. They
are formless and invertebrate. They do not bare, even
in the slightest degree, the usual earmarks of lasting literature:
beauty of language,sincerity of characterization and versimilitude
of plot[24]

Ang ikalawang kritisismo ay ang mga pagtatanghal sa panahong iyon ay mahihinang uri sapagkat walang banghay, walang lohika o maayos na pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Ayon kay Amadeo R. Dacanay:

Stageshows were generally half-baked improvisatios and
some directions even resorted to buying stories.In addition ,
the actors were mostly had or indifferent, as if they had
 never been introduced to the rudiments of acting.[25]

Ngunit ayon din kay Dacanay bagaman may mga kahinaang tinataglay ang dulaan sa panahong iyon ay may mga grupo pa rin na  nagsisikap para makapagtanghal ng mga lehitimong dula o produksyon gaya ng Dramatic Philippines. Sa kabila  ng pagbabawal ng mga Hapon sa paggamit ng Ingles ay binigyang pokus pa rin ng grupo ang pagsasalin ng mga sa Ingles sa Tagalog.

B.     Ang Pagtingin ng mga Hapon sa Dula

Para sa mga Hapon na nakapanood ng mga musical shows sa panahong iyon ang nagsabing walang sariling tradisyon ng dulaan sa Pilipinas. Sapagkat ang mga musical shows diumano ay mga imitasyon lamang ng kulturang Amerikano.[26] Ganito rin ang palagay ng Chairman ng Department of Information (Dramatic Section) na si Kodama Hidemi na ang isang magandang dula ay magagawa lamang kung may matatag na pambansang kamalayan ang isang bansa at epektibo ito kapag nilalaman nito ang mithiin at paniniwala ng mga mamamayan.

 

The important mission of drama through amusement and in deepening the

Ground of national culture which is conducive to the elevation of the

Standard of life. Therefore it comes as a naturalconclusion that drama

 should exist for the nation and not merely a vulgar and capricious past

time.[27]

  

IV.              Ang Dulaan Bilang Propaganda

A.     Ang Pagtatatag ng Philippine National Theater o PNT

Para magkaroon ng pagbabago sa hindi magandang pagtingin sa dulaan sa panahong iyon at upang mapataas ang lebel nito ay itinatag ng mga artista ng dulaan ang Philippine National Theater, Incorporated (naging PNT sa kalaunan) noong October 14, 1943 sa proklamasyon ng Republika ng Pilipinas. Nakapailalim sa PNT ang Dramatic Philippines, Musical Philippines at Metropolitan Theater.

Ang ilan sa kanilang mga proyekto ay ang pagdadaos ng mga patimpalak sa pagsulat ng iskrip na tumatalakay sa mga paksa ditto sa Pilipinas upang pasiglahin at mapaunlad ang kultura ng bansa sa kabuuan.

Nagpalabas din ang samahang ito ng isang magasin  ang Backstage noong Nobyembre 1943. Nagbibigay ito ng mga pag-uulat ukol sa mga aktibidad sa dulaan at ng mga artista. Ito ay nasa wikang Ingles at may ilang bahagi rin naman na nasa Tagalog. Ang huling isyu ay noong Hulyo 8, 1944 sanhi ng mataas  na singil sa paglilimbag.

Ang PNT ay naging lunsaran para lumaganap ng husto ang teatro bilang propaganda . Isa na rito ang mga pagdadaos ng mga iba’t ibang paligsahan na nagbigay-daan sa maraming produksyon ng mga akdang makabayan. Kabilang dito ang mga awiting Martsa Laurel ni Lucio D. San Pedro; Doon sa Kung Saan Matamis ang Mangga at Kundiman ng Bayan ni Leon T. Ignacio.[28] Isang patunay lamang na ang Metropolitan Theater bilang kanlungan ay may malaking kontribusyon sa propaganda.

B.     Ang Paglaban/Pagtutol sa Dulaan

Sa mga stageshows sa panahong ito ay mga paglaban o pagtutol din na ikinakabit ang mga direktor at aktor sa kanilang mga dayalogo o di kaya’y mga eksena. Isa ito sa kanilang mga paraan na kahit paano ay maisahan nila ang mga Hapon. Isang halimbawa nito ay ang satirical comedy skits nina Tugo at Pugo na ginagawang katatawanan ang mga Hapon.[29]
Ang historikal na dulang Tandang Sora ay may pagpapakita  rin ng pagtutol laban sa mga Hapon. Ang dula ay tungkol sa isang babaeng bayani na lumaban laban sa mga kastila na ang tanging mithiin ay ang lumaya ang bayan. Pianayagan itong itanghal ng board of censors ngunit may ilang torture scenes ang inalis. Narito ang isang paglalarawan sa pagtatanghal ng naturang dula sa direksyon ni Avellana:

Tandang Sora was presented without those scenes, but even
without them, the people quickly grasped the motive of the PAL
 (Philippine Artist League) in presenting this stirring drama.
Close to the end of the play, there was a brief glimpse of the flag
Of the Katipuanan. Since during those early days of the Japanese
Occupation the Filipino Flag was not be exhibited on the pain of
Punishment, it was disconcerting to the Japanese authorities that
 the audience of the Avenue rosesilently at the sight of the Katipunan
 Flag on stage. Although the audience jammed the theater everyday,
Avellana was ordered to replace Tandang Sora with a comedy”.[30] 

Ang teatro sa panahong ito ay nagging isang lunan ng mga taong laban sa mga Hapon. Naging lugar ito kung saan sila nagkakaroon ng malayang  komunikasyon ng patago. Sinasabing 80% ng mga tao sa teatro noong panahong iyon ay kabilang sa anti-Japanaese Underground movement at 15% naman ang nakikipagtulungan lamang.

Sa kabuuan naging matagumpay ang mga artista ng teatro sa panahong ito sapagkat nailarawan nila ng sa kanilang mga pagtatanghal ang mga kondisyong panlipunan sa ilalim ng okupasyon ng mga Hapon. Sa kalaunan ang mga pagtatanghal na ito ay naging propaganda laban sa mga Hapon. Ang mga gawaing ito ng protesta ng pagtatanghal ay parehong kalahok ang mga gumaganap at ang mga manonood.





V.                 Ang Pagsasakonteksto ng Dulang Condemned! Ni Wilfrido Ma. Guerrero


A.     Buod ng Dulang Condemned!

Nagsimula ang dula sa ilang oras na lamang ay bibitayin na si Pablo Gonzales sa salang pagpatay sa isang lalaking nagtangkang gahasain ang kanyang kasintahan na si Cristina. Habang naghihintay ng kanyang oras ng pagbitay ay isa-isang nagdatingan ang mga taong nagging malapit sa kanya. Ang unang bisita niya ay ang paring nagsilbing tagapagpaalala niya sa mga salita ng Diyos sa tuwing nalulungkot siya sa kanyang sinapit at kapag natatakot siya sa tuwing maaalala ang sasapiting pagbitay. Ang ikalawa naman niyang bisita ay ang kanyang kababatang si Andres Gorospe. Naligayahan ng husto si Pablo sa pagbisita niya sapagkat bumabalik muli sa kanya ang alaala ng kanyang kabataan noong bago pa mamatay ang kanyang ama. Sang-ayon kay Andres hindi kayang pumatay ni Pablo sapagkat takot ito sa balisong, lalong hindi sugarol at lasenggo. Ngunit si Pablo mismo ang umamin na nag-iba siya mula nang lumayas siya sa kanyang Tia Chedeng noong maglalabing-apat na taon siya noon. Sa kanilang usapan naisalaysay ni Pablo ang nangyari sa kanya nang mamatay ang kanyang ama. Nang mamatay ang kanyang ama, iniwan siya ng kanyang ina na si Angela sa kanyang Tia Chedeng at nagumon sa pagsusugal at sumama sa isang Marcos Nable. Sa pananaw ni Pablo ang ina niya ang puno’t dulo ng kanyang kasawian sa buhay. Para sa kanya ay hindi siya mabibitay kung hindi siya napariwara dahil sa paglalayasa at hindi siya maglalayas kung may inang magbibigay sa kanya ng pag-aaruga at pagmamalasakit. Ang ina niya ang kanyang sinisisi sa lahat ng mga nangyari sa buhay niya. Ang ikatlo niyang bisita ay si Simeon Sereno na nagging barkada niya sa lahat ng kalokohan. Para kay Pablo si Simon ang naglapit sa kanya sa kasamaan. Kung kaya’t galit siya noong una at hindi niya pinapasok ngunit wala rin nagawa si Pablo nang magpumilit na pumasok si Simeon sa kinaroroonang piitan ni Pablo. Nais na Makita ni Simeon si Pablo kahit sa huling pagkakataon para humingi ng tawad sa lahat ng mga bagay na nagawa niyang nakasama kay Pablo. Ang ikaapat na bisita naman ay ang kanyang Tia Chedeng na walang tigil sa paggabay sa kanya. Kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon ay pinatunayan nito ang pagmamalasakit sa pag-abot nito sa kanya ng isang kuwintas na may krusipiho. At kinukulit siya nitong mangumpisal upang mahugasan ang lahat ng kanyang mga pagkakasala sa pamamagitan ng paghingi ng kapatawaran sa Panginoon. Ang ikalimang bisita ay si Cristina na nagnanais na siya ay pakasalan ni Pablo kahit sa huling pagkakataon. Ngunit nagdadalawang-isip si Pablo sapagkat ayaw niyang masira ang kinabukasan ni Cristina st maging balo kaagad ng isang mamamatay tao. Pero mag-iiba ang desisyon ni Pablo sa huli. Sa muling pagdating ng pari ay hihilingin ni Pablo na ikasal sila ng pari sa halip na mangumpisal siya. Nakasal ang dalawa, ilang minuto na lamang ang nalalabi bago ang takdanmg oras ng pagbitay nang biglang dumating ang kanyang ina. Ang kanyang huling bisita ay ang ina niyang si Angela ang konprontasyon ng dalawa ay nagbigay-daan sa paglilinaw ng isang masalimuot na nakaraan. Ang lahat ng mga hinanakit ni Pablo sa ina ay dinaan sa mga sumbat. Pinagtapat ng kanyang ina ang buong katotohanan sa likod ng mga masalimuot na pangyayari at kahit huli na ang lahat ay nakuha na rin ni Pablong patawarin ang kanyang ina bago pa man siya mamatay.

B.     Ang Teorya ni Eagleton bilang framework sa Pagsusuri ng dulang Condemned!

Ang gagamiting framework sa pagsasakonteksto ng dulang Condemned! Ni Wilfrido Ma. Guerrero ay ang teorya ni Terry Eagleton.[31] Gaya ng mga historical at biograpikal na mga kritiko, ang mga Marxista ay interesado din sa sosyolohikal na konteksto ng panitikan (sociological context of Literature). Para sa mga Marxista ang tekstong pampanitikan (literary text) ay produkto ng kasaysayan. At ang kasaysayan ay siyang nagdedetermina ng panglipunan at pang-ekonomiyang sitwasyon ng isang bansa na may malaking impluwensya naman sa literature na siya rin na makikita/papaimbulog sa mga akdang pampanitikan. Ngunit ang isang Marxistang kritiko ay mas interesado sa pagkatas ng mga themes of interests sa mga social historians.[32]

Ngunit hindi rin lamang mga repleksyon ng panlipunan at  pang-ekonomiyang kondisyon ang literature kundi bahagi rin ito ng isang buong sistema ng mga panlipunang ugnayan at moda ng produksyon na nag-emerge sa pagdaloy ng kasaysayan.

Sa sanaysay ni Terry Eagleton sa Literature and History ipinaliwanag niya na ang literature ay bahagi ng isang power structure  o ng isang struktura ng kapangyarihan ng kasaysayan. At ang susi sa pag-unawa sa panitikan ay ang magkaroon ng rebolusyunaryong pag-unawa hinggil sa kasaysayan mismo.[33] At para maunawaan naman ang kasaysayan ay binalangkas ni Eagleton ang mga ugnayan ng mga pangunahing bahagi ng kasaysayang panlipunan (relationship of the components of social history) mula sa perspektibang Marxista ang 1) base at superstructure,2) literature at superstructure,at 3) literature at ideology.

Kung tataluntunin ang ganitong pagbasa maaaring sabihin na ang Condemned! Bilang isang akdang pampanitikan na nalikha sa panahon ng okupasyon ng Hapon ay produktong iniluwal mismo ng panitikang nagsasalamin ng mga panglipunan at pang-ekonomiyang kondisyon sa panahong iyon.

Nagsimula sa pagtalakay si Eagleton sa ugnayan ng lipunan at ng superstructure ng lipunan sa pag-aaral ni Karl Marx at Frederick Engels na Consciousness does not determine life: life determines consciousness.[34] Sa madaling salita, ang panlipunang kalagayan ng isang tao ay makikita o madedetermina sa kung paano siya kumikilos, kung paano mag-isip at paano niya ituring ang sarili. Ang mga ugnayang panlipunan ng mga tao ay nadedetermina sa pamamagitan ng kanilang mga material na pangangailangan (material necessity).[35] Sa paglipas ng panahon ang dibisyon sa paggawa sa isang lipunan (mode of production) ay nagbabago.[36]

Sa puntong ito maaaring sabihin na ang isang awtor bilang bahagi ng isang institusyong panlipunan o superstructure ay may kapasidad na ilarawan ang kairalang panlipunan ng panahon na kanyang kinabibilangan. At ang akdang pampanitikan na kanyang iniluwal na sumasalamin sa panglipunan at pang-ekonomiyang kalagayan ng kanyang bansa ay maaaring magdetermina ng posisyon ng manunulat sa lipunan. Sa kaso ng dulang Condemned! Makikita  ang isang depektibong paglalarawan sa buhay ng isang ordinaryong tao. Mapapansin na hindi gagap ni Wilfrido Ma. Guerrero ang kilos, ugali at gawi ng masa tulad ng kanyang nais na talakayin sa karakter ni Pablo Gonzales sapagkat mas gamay niya ang pagtalakay sa middle-class sapagkat siya’y pabilang sa antas na ito. Ang mga katangiang tinataglay ng tauhang si Pablo Gonzales ay ang persepsyon ni Wilfrido Ma. Guerrero  ng isang indibiduwal na mula sa mababang antas ng lipunan. Makikita ito sa mariin niyang pag-giit sa dula ng kahalagahan ng edukasyon sa isang tao, ang pagiging intelektuwal ay isa lamang sa mga determinant factor  ng isang middle class. Isa pang salik na tinutukoy ni Guerrero ay ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at relihiyoso na sinasabing wala sa isang di-aral sapagkat padalos-dalos sa mga kilos at gawi at lalong walang takot sa Diyos.

Ang dulang Condemned! Ay nasa orihinal sa Ingles ngunit dahil sa panahong iyon ng pananakop ng mga Hapon, para maitanghal ay isinalin muna ang iskrip sa Tagalog bilang Salarin! Noong 27 Nobyembre 1943 sa Capitol theater sa direksyon ni Fernando Poe Sr. Isinagawa ito sa kadahilanang pinagabawal nang mga Hapon ang paggamit ng Ingles bilang wika sa mga performance text o teksto sa pagtatanghal. Ngunit kapansin-pansin ang pagiging eskapista ng tema ng dula sa kadahilanang wala itong pagtalakay sa realidad --- sa tensyon o pakikibaka ng mga Pilipino sa mga mananakop na Hapon.




VII.                 Ang Bibliyograpiya


1)             Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.127-136.

2)             Buenaventura, Cristina-Laconico. The Theater in Manila (1846-1946). Manila: De la Salle University Press, 1994.

3)         Julian C. Balmaseda, “Philippine Drama”, papel na nasusulat sa orihinal sa Pilipino at binasa sa Institute of National Language, noong 8 Setyembre, 1943.

4)         Tiongson, Nicanor G.ed. Philippine Theater. Vol.7 of CCP Encyclopedia of Philippine Arts. 10 vol. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.

5)         Eagleton, Terry. “Literature and History”. Marxism and Literary Criticism. University of  California Press, 1976. 1-19.  Report in  Contexts for Criticism. Ed. Donald Keesey. 3rd. ed. Mountain View, CA: Mayfield, 1998.





[1] Ang mga patunay ng panggagahasang ito ay ang mga salaysay ng mga comfot women sa panahong iyon. Ang mga kaugnay na babasahin para ditto ay ang salaysay ni Nana Rosa, na inilantad ang kanyang karanasan sa publiko.
[2] Kabilang sa mga strategic raw materials na ito ay ang mga minerals, ores abaca at mga agricultural produce gaya ng lumber---ang lahat ng ito ay kinakailangan sa pagpapalakas ng kanilang depensa.
[3] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.11.
[4] Ang nagbibigay ng lahat ng mga pag-uutos ay ang Japanese Military Administration.
[5] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.12.

[6] Naglatag ng mga hakbang tungo sa pagtatatag ng isang Bagong Pilipinas ang commander-in-chief ng Japanese Military Forces ditto sa Pilipinas, si Lt. General Masaharu Homma na sa tingin niya ay makatutulong sa pagkakaisa ng  mga Hapon at Pilipino.
[7] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.12.

[8] Ibid.
[9] Isa lamang ito sa mga polisiya upang magkaroon ng kabuuang ideya, maaaring tignan ang aklat na “Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining).
[10] Hindi lamang sa mga paaralan itinuro ang Niponggo maging sa mga pribado at pampublikong mga opisina ay mayroon din mga special classes. Naglaan din ng mga special Niponggo section sa mga diyaryo. Pinalitan din ang mga pangalan ng mga kalsada, tulay at mga plasa gaya ng Dewey Boulevard na pinangalanang Heiwa Boulevard; ang Jones Bridge ay tinawag na  Banzai Bridge;at ang Taft Avenue ay tinawag namang Daitoa Avenue at iba pa. Marami rin mga lektyur tungkol sa kulturang Hapon na maririnig sa mga radyo at mga artikulo na nalalathala sa mgfa diyaryo at magasin.
[11] Tanghalang Pilipino ang ginamit ko ditto katumbas ng Filipino Stage Ito ay batay lamang sa sariling pagtataya sa paggamit ng angkop na salita at kung paano ko ito naunawaan.
[12] Tinawag na illegitimate stage ng mga tradisyunal. Noong dumating ang mga Amerikano ang tinawag ditto ay bodabil mula sa vaudeville ng Amerika ngunit ng lumaon ay nagging stageshow sa panahon ng Hapon.
[13] Si Carpi ay isang Italian national na may sariling tropa na naglilibot sa Asya para magtangal ay na-stranded sa Pilipinas gawa ng digmaan. Ikinulong siya ng mga oisyales na Amerikano bilang kalaban ng bansa ngunit sa panahon ng Hapon ay pinalaya siya at inatasan na mag-organisa ng isang revue company. Naalala kasi ni Hidemi Kon ang palabas nina Carpi sa Japan noong 1930’s.
[14] Julian C. Balmaseda, “Philippine Drama”, papel na nasusulat sa orihinal sa Pilipino at binasa sa Institute of National Language, noong 8 Setyembre, 1943.p.317.
[15] Mayroon itong dalawang show araw-araw. Ang unang show ay nagsisimula ng alas-2 ng hapon at ang ikalawa naman ay alas-4 ng hapon. Ang mga vaudeville fantasies na naipalabas noong 1942 sa Metropolitan theater ay ang mga sumusunod:
Tango Fantasy, Oriental Stories, Rancho Grande, Toy House, Hawaiian Charms, Lady of the Fan, Guard of the Queen, Babes in Joyland, Cuban Rhythms, Siamese Fantasy, Cuban Fantasy, Pearl of the Orient, Argentine Nights, Gypsy Melodies at Pharaoh’s Dream. Ang mga ito’y itinanghal upang mapunan ang kawalan ng pelikula ngunit ng lumaon ay naging maunlad.
[16] Tiongson, Nicanor G.ed. Philippine Theater. Vol.7 of CCP Encyclopedia of Philippine Arts. 10 vol. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
[17] Ang pagkakaroon ng bagong management nito ay nagdulot ng malaking pagbabago sa mga palabas nito.
[18] Buenaventura, Cristina-Laconico. The Theater in Manila (1846-1946). Manila: De la Salle University Press, 1994. 148.
[19] Ibid.
[20] Julian C. Balmaseda, “Philippine Drama”, papel na nasusulat sa orihinal sa Pilipino at binasa sa Institute of National Language, noong 8 Setyembre, 1943.p.318.
[21] Ibid.
[22]Ang mga manonood ng araw na iyon ay nakaranas ng isang hitik na hitik na araw ng lingo sapagkat bukod na sa dalawang dula ay sinundan pa ito ng isang pelikula ng Hollywood ang Backstreet at ang isa pang oras ng programa ng light classics ng Philharmonic Promenade. Ang ticket ay nagkakahalaga ng 30 centavos para sa balcony seats, 60 centavos para sa orkestra at 1.00 php para sa loge seats.

[23] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.127-136.

[24] Ibid.
[25] Ibid
[26] Ibid.
[27] Ibid.
[28] Ang pagtatanghal ng mga awiting nagwagi sa patimpalak ay pinamunuan ng PNT sa Metropolitan Theater noong 30 Nobyembre 1943. Sa naturang okasyon ay nagbasa ng tula si Amado V. Hernandez na may pamagat na Ang mga Naglamay sa Dilim ng Gabi. Sinundan ng pagtatanghal ng romantikong dula, ang Bayan Ko na tungkol sa pakikibaka ng mga Pilipino laban sa Espanya para sa kalayaan.
[29] Ginawang katatawanan ang mga Hapon sa pamamagitan ng pagpuno sa braso ng mga relo at ito ay sa direksyon ni Climaco na nagdulot ng kanyang pagkakakulong sa loob ng 31 araw sa Fort Santiago.
[30] Barte, Gina V.ed. Panahon ng Hapon (Sining sa Digmaan, Digmaan sa Sining). Metro Manila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, 1992.127-136.

[31] Eagleton, Terry. “Literature and History”. Marxism and Literary Criticism. University of  California Press, 1976. 1-19.  Report in  Contexts for Criticism. Ed. Donald Keesey. 3rd. ed. Mountain View, CA: Mayfield, 1998. 460-67.
[32] Ibid. p. 461.
[33] Ibid.
[34] Ibid.
[35] Ibid.p. 462.
[36] Ibid.

No comments: